Isang guro mula sa probinsya ng Romblon ang kinilala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) bilang isa sa mga Ulirang Guro sa Filipino ngayong taon dahil sa ambag nito sa pagpapalaganap at promosyon ng Wikang Filipino.
Siya si Teacher Gladys Malay Jovellano, guro sa Mababang Paaralan ng Bagacay sa bayan ng Romblon, Romblon.
Bata pa lamang si Teacher Gladys ay mahilig na talaga siya magturo kahit sa mga kalaro niya, at umaarte bilang titser hanggang sa naging pangarap niya ito at tinapos pag-aralan sa kolehiyo. Kwento ni Teacher Gladys, pangarap na niya talagang maging guro para makatulong sa paghubog sa mga bata.
Nang maging guro, nakahiligan nito na magturo sa lahat ng kanyang mga estudyante ng tamang pagbasa sa wikang Filipino. Aniya, kapag ang bawa't bata ay marunong magbasa, mas madali nang maituro ang mga asignatura sa paaralan.
Dahil sa pagmamahal sa propesyon, nagkaroon ito ng iba't ibang proyekto noong panahon ng pandemya sa Mababang Paaralan ng Bagacay kagaya ng "Padayon Unga na Romblomanon”, isang proyekto na naging katuwang ng mga magulang sa pagtuturo ng pagbabasa sa kanilang mga anak noong panahon na walang face to face na klase.
Nagsagawa rin si Teacher Gladys ng pananaliksik upang mas mapaunlad pa ang Wikang Filipino na kanyang itinuturo. Ang mga natutunan nito ay kanyang ibinahagi rin sa kapwa niya mga guro sa pamamagitan ng mga inorganisa niyang seminars.
Sa isang inilabas na pahayag ni Teacher Gladys sa pamamagitan ng Department of Education - Romblon, sinabi nito na lubos ang kanyang pasasalamat sa karangalang nakamit.
Sikreto ni Teacher Gladys, aniya, ito ay laging haluan ng pagmamahal ang lahat ng gawain. Simulan ito sa pagmamahal sa mga mag-aaral at susunod na rito ang pagmamahal sa sinumpaang propesyon.
Sa isang pahayag naman ng Department of Education - Romblon, sinabi nila na lubos nilang ipinagmamalaki ang Ulirang Guro sa Filipino na si Teacher Gladys Malay Jovellano sa paghahatid ng karangalan sa buong probinsya.
Ang Ulirang Guro sa Filipino ay taunang gawad na ipinagkakaloob ng KWF sa mga gurong nakakapag-ambag sa pagpapalaganap at promosyon ng wikang Filipino at iba pang wikang katutubo ng Pilipinas at kultura sa larang ng pagtuturo sa kanilang komunidad.
Pangako ni Techer Gladys, kapalit ng kanyang nakuhang parangal ay ipagpapatuloy aniya nito ang kanyang mga nasimulang proyekto sa lalawigan at pagsisikapang mas mapalawak pa ito para mas marami pang mga estudyante ang maabot at matulungan.
Maliban kay Jovellano, kinilala rin ang mga guro na sina Warren A. Noreberte ng Lungsod ng Butuan, Alma T. Bautista ng Santos Ventura National High School, Cristina D. Macascas ng Pamantasang Normal ng Pilipinas, Lita A. Bacalla at Rowena C. Largo ng Cebu Normal University; at si Alvin Rom De Mesa ng Leyte Normal University. (PJF/PIA Mimaropa)