LOS BAÑOS, Laguna (PIA) — Kilala bilang Special Science and Nature City ang bayan ng Los Baños dahil bukod sa sikat at dinarayong pagkain tulad ng buko pie at mernel’s cake ay marami pang tinataglay na ganda at ipinagmamalaking katangian ang bayan.
Sagana sa makakalikasan at modernong tourist destinations ang Los Baños sapagkat matatagpuan ang bayan sa paanan ng Mt. Makiling at katimugang baybayin ng Laguna De Bay.
Matatagpuan rin sa bayan ang ilang outstanding academic institutions at local and foreign research centers katulad ng University of the Philippines (UP) – Los Baños, International Rice Research Institute (IRRI), Bureau of Plant Industry at marami pang iba.
Bilang pagdiriwang sa pagkakatatag ng bayan at maipakita ang taglay na ganda nito ay inilunsad ng lokal na pamahalaan ang ‘Bañamos Festival’ na taunang ginaganap tuwing ika-17 ng Setyembre.
Ang ‘Bañamos’ ay salitang Espanyol na ibig sabihin ay ‘we bathe’ kaya naman sa pamamagitan nito ay ibinibida rin ang mga hot spring resort sa lugar gayundin ang kaakibat na kasaysayan at kultura ng bayan.
Bagong Los Baños! Viva Bañamos!
Makulay at masayang ipinagdiwang ng Los Baños ang 21st Bañamos Hotspring Baths Festival simula ika-14 hanggang ika-18 ng Setyembre.
Tampok sa bayan ang Bailamos Dance Battle na nilahukan ng iba’t ibang grupo ng mga mananayaw, Bayle sa Kalye na isang street dance competition para sa bawat barangay, Zumbaños na mayroong temang Superheroes at Villains.
Bumalik naman sa taong 1980 upang humataw at sumayaw ang mga kawani at ilang opisyal ng Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan sa pamamagitan ng Barangay Night.
Nagtagisan rin sa pagalingan sa pagkanta ang sampung (10) kalahok na mang-aawit sa inilunsad na LBirit Star Search kung saan ibinida ang ilan sa mga kilalang Original Pinoy Music (OPM).
Hindi lamang naging masaya at makulay ang pagdiriwang sa Bañamos Festival dahil mas naging makabuluhan pa ito sa pamamagitan ng inilunsad na Padyak LB at Color Run activity.
Sa naging panayam ng Philippine Information Agency Calabarzon kay Vice Mayor Josephine Sumangil, sinabi ng bise-alkalde na ang makakalap na pondo sa mga nabanggit na aktibidad ay ilalaan ng lokal na pamahalaan para sa kanilang Cervical Cancer Detection and Prevention Program gayundin sa mga dialysis patient sa bayan.
“Ibibigay po natin ang proceeds ng Padyak LB sa cervical cancer patients natin para sa detection po nila at para sa proteksiyon din po nila. Two years ago yan din po ang cause niyan, sa bawat padyak nakatulong ka po sa mga kababaihan” pahayag ni Sumangil.
Samantala, kauna-unahang pagkakataon ay dinayo rin ng bawat pamilya mula sa karatig bayan at lalawigan ang Carnival Fair at Hot Air Balloon Fiesta na pinakabagong atraksiyon sa naturang Festival.
Bukod dito ay nagpamalas naman ng tikas, ganda at talino ang mga kalahok sa ginanap na Mister and Miss Bagong Los Baños na pinamunuan ng batikang beauty queen na si Konsehal Leren Mae Bautista.
Sa huling araw ng pagdiriwang ay napakinggan at napanood ang ilan sa mga sikat na OPM artist sa bansa tulad ng Agsunta at marami pang iba.
Economic and Tourism Recovery
Malaki ang naging epekto ng pandemyang Covid-19 sa ekonomiya at turismo ng bayan kaya naman sa pamamagitan ng inilunsad na ‘Bañamos Festival’ ay inaasahang malaki ang maitutulong nito para sa unti-unting pagbangon ng buong komunidad.
Bagamat isa lamang ang Bañamos sa mga tinitignang susi upang mas makilala at mapaunlad ang turismo at ekonomiya ay maraming inihandang plano at proyekto ang lokal na pamahalaan upang mapabuti ang estado ng bayan.
“Pagdating sa turismo, Bañamos is only one factor to consider, bukod po sa Bañamos Festival na shino-showcase namin sa mga taga-labas, marami pa kaming long term plan and projects to enhance our tourism,” mensahe ni Mayor Anthony Genuino. — (CAO/ PIA4A)