No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Honeybee Farm, susi sa matagumpay na negosyo ng dating OFW

 “Lahat ng negosyo ay dadaan sa mga pagsubok, kailangan lamang na ito’y tutukan ng husto upang masolusyunan ang mga problema at hamon na kinakaharap.” Ito ang ibinahagi ni Ma. Socorro Mendoza, dating Overseas Filipino Worker (OFW) ng simulan niya ang negosyo na honeybee farm na ngayon ay isa ng kilala at matagumpay na entrepreneur sa lungsod na ito.

Ilang taong nagtrabaho si Socorro sa Papua New Guinea kasama ng amo na may honeybee farm sa Malaysia na kung saan ay palagi itong sinasama kaya dito siya nagkainteres at gawing libangan ang pag-aalaga ng mga kolonya ng bubuyog.

Noong 2016 ay nagbitiw siya sa kanyang trabaho at bumalik sa Pilipinas upang simulan ang kanyang negosyo sa Calapan. Dahil dito ay napamahal na siya sa kanyang libangan kaya siya ay dumalo sa mga serye ng pagsasanay ng beekeeping sa University of Los Baños (UPLB) upang mas lalo pang lumalim ang kanyang kaalaman sa larangang ito.

Minsang itinampok ang mga produkto ng Iraya Life Integrated Farm ni Ma. Socorro Mendoza sa isinagawang ‘Kalakalan sa Buwan ng Wika’ na kabilang sa mga produktong gawa sa lalawigan na ginanap sa isang mall sa lungsod kamakailan. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

Nagsimula si Socorro na may 20 kolonya ng mga bubuyog at kinalaunan ay umabot na ito sa 200 na siyang naging daan sa pagbebenta ng mga pulot na nasa bote na may iba’t-ibang uri na pang personal na gamit at nakita niyang maganda ang negosyo kaya sinimulan na niyang itayo ang Iraya Life Integrated Farm sa Barangay Bulusan noong 2017.

Mga stingless bee honey ang kauna-unahang produkto na kanyang ibinebenta na maihahalintulad sa lasang ‘sweet and sour’ na siyang nagbibigay ng nutrisyon sa katawan ng tao kumpara sa ibang uri ng pulot. Tinatawag din itong ‘mother medicine’ ng ibang bansa dahil taglay nito ang anti-oxidant at anti-bacterial properties.

Ayon sa pag-aaral, ang stingless bee honey ay nagbibigay ng dobleng nutrisyon kumpara sa ordinaryong pulot. Sa kabilang banda, ang wild honey naman ay may antibacterial properties na gumaganap sa pagpapagaling ng mga sugat, impeksiyon, ulcer, surgery at sugat sanhi ng matagal na pagkakahiga, habang ang European bee honey naman ay nagtataglay lamang ng antibacterial at anti-fungal properties.

Ipinapakita ni Ma. Socorro Mendoza (kaliwa) ang mga nasira at hindi na mapapakinabangang kolonya ng mga bubuyog dahil sa hindi magandang klima ng panahon kumpara sa maayos at malusog na kolonya (kanan) kung saan makikita ang maayos na anyo nito. (Larawan kuha ng Iraya Life Enterprises)

Isa din sa hamon na kinaharap ni Socorro ay ang pagbabago ng klima sa lalawigan at kanya naman itong napagtagumpayan bagama't maraming kolonya ang nasira dahil sa matinding pag-ulan sa kanilang lugar.

Wala din anya siyang kaalaman kung paano dadalhin at ipapakilala sa merkado ang kanyang mga produkto habang gamay na niya ang aspetong teknikal sa pag-aalaga ang mga kolonya ng pukyutan.

Samantala, agad niyang inirehistro ang negosyo sa Department of Trade and Industry (DTI) na kung saan naimbitahan rin siya na magsagawa ng mga serye ng seminar sa buong lalawigan tungkol sa pag-aalaga ng mga pukyutan at ang pagiging isang matagumpay na negosyante.

Sinuportahan din ng DTI ang Iraya Life Integrated Farm sa pamamagitan ng pagsali sa mga trade fair at sa mga regional trade fair na siyang nakatulong sa pagpapakilala ng mga produkto. Bukod dito ay tumulong din ang naturang ahensiya sa pagpapasuri sa laboratoryo para patunayan na ang mga produktong ibinebenta ay gawa sa purong pulot.

Dahil dito, mas lumawak pa ang pamamahagi ng mga produkto sa loob at labas ng lalawigan na kahit sa mga online selling ay mabibili na rin ang mga ito.

“Asahan na sa mga susunod na taon ay amin pang palalalawigin at gagawa pa kami ng iba’t-ibang produkto na gawa sa pulot,” pagtatapos na pahayag ni Socorro. (DN/PIA MIMAROPA)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch