Taong 2000, ipinasa ang Republic Act No. 8972 o Solo Parents Welfare Act of 2000 upang matulungan ang mga solo parent na mag-isang nagtataguyod ng anak o mga anak na 18 taong gulang pababa.
Upang higit na makapagbigay tulong at mas pagtibayin pa ang karapatan ng mga solo parent, inaprubahan ng pamahalaan ang Republic Act No. 11861 o Expanded Solo Parents Welfare Act, kung saan madaragdagan pa nito ang benepisyo at pribilehiyo na kanilang natatanggap at sisiguraduhin na sila ay mabibiyayaan sa ilalim ng mga social protection programs.
Ang implementasyon ng Expanded Solo Parents Welfare Act ay nagsimula na noong Nobyembre 1, 2022.
Ang mga sumusunod ay ilan sa mga benepisyo na maaaring matanggap ng mga solo parents:
1. PHP 1000/month na subsidiya mula sa local government.
2. Automatic coverage sa National Health Insurance Program (NHIP) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
3. Ang solo parent na kumikita ng hindi tataas sa Php 250,000.00 kada taon ay exempted sa value added tax at mayroong 10% na discount sa mga gastusing pambata tulad ng pagkain, gatas, diaper, gamot at bakuna mula sa pagsilang ng bata hanggang anim na taong gulang.
4. Bibigyang priyoridad ang mga solo mothers na babalik sa trabaho.
5. Maaari nang mag-apply sa sustainable livelihood program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung walang hanapbuhay.
6. Bibigyang priority ng pamahalaan na makakuha ng murang pabahay mula sa National Housing Authority (NHA).
7. One week o 7-day vacation leave bukod sa annual leave ng isang manggagawa
8. Full Scholarship para sa isang anak na hindi bababa sa 22 taong gulang.
Sino ang itinuturing na solo parent?
Maituturing na isang solo parent ang isang magulang kung sila ang nag-aalalaga sa kanilang anak o mga anak na 22 taong gulang pababa at nabibilang ang kalagayan sa mga ito:
1. Biyudo o Biyuda
2. Hiwalay sa asawa
3. Napawalang-bisa o annulled ang kasal
4. Asawa ng nakakulong at/o hinatulang mabilanggo
5. May mental o pisikal na kapansanan ang asawa/partner
6. Sinumang indibidwal na tumatayo bilang magulang ng isang bata/ng mga bata
7. Hindi kasal na piniling palakihin ang anak nang mag-isa
8. Inabandona ng asawa o kinakasama
9. Magulang na nagsila ng bata na biktima ng panggagahasa
10. Sinumang miyembro ng pamilya na tumatayo bilang head of the family bunga ng pag-aabandona, pagkawala, o matagal na pagkawala ng magulang o ng solo parent.
Paano ba makakukuha ng Solo Parent ID?
Magtungo lamang sa Local Social Welfare and Development Officer (LSWDO) ng iyong siyudad o munisipalidad at ipasa ang mga sumusunod na dokumento:
1. Barangay Certificate na hindi bababa sa anim na buwan ang paninirahan sa barangay.
2. Birth Certificate ng iyong anak na menor de edad.
3. Dokumento na magpapatunay na ikaw ay isang solo parent tulad ng Declaration of Nullity of Marriage, katibayan o medical certificate na may mental o pisikal na kapansanan ang asawa, o Certificate of No Marriage (CENOMAR).
4. Income Tax Return (ITR) o dokumento na magpapatunay sa antas ng iyong kinikita o certification mula sa treasurer ng barangay o munisipyo.
5. Voter’s ID ayon sa local ordinance ng ibang lokal na pamahalaan.
6. Kasulatan o certificate ng iyong kalagayan bilang isang solo parent mula sa kapitan ng barangay na iyong kinabibilangan. (PIA-NCR)