Pagkain ba ang hanap mo? Segunda-mano o bagong mga damit, bag, laruan, sapatos at iba pang mga kagamitan? Hindi naman kaya ay mga palamuti at dekorasyon para sa papalapit na Kapaskuhan?
Sa siyudad ng San Fernando, La Union, hindi mo na kailangan pang magpalipat-lipat ng lugar para maghanap ng iba’t-ibang kailangan mo. Samu’t-saring pagpipilian ng mga pagkain, damit, sapatos, dekorasyon, at marami pang iba, lahat ng iyan ay makikita mo sa isang ikot lang.
Ang mga ito ay matatagpuan sa isang pamilihan sa lungsod na pamoso sa mga lokal ng probinsya sa tawag na round market.
Sa pagpatak ng alas sais ng hapon, mula sa karaniwang pamilihan ay sumusulpot ang pop-up stalls sa kalyeng pumapalibot sa round market.
Kung iyong bibistahin ang night market, ang siguradong unang tatawag sa iyong pansin ay stalls na laman ay ang mga nakakatakam na pagkain gaya ng mga ihaw-ihaw, shawarma, kwek-kwek, dynamite, cotton candies, balut, silog, at napakaraming pagpipilian na mga lutong-ulam at mga meryendang pam-pinggang Ilokanong Pinoy.
Idagdag pa ang mga patok na patok na mga inumin gaya ng mga fruit shake at milk o fruit tea, gayundin ang mga tradisyonal na samalamig o gulaman.
Sa kabilang dako naman ay matatagpuan ang mga mura-murang segunda-mano at mga tiyangge ng mga brandnew na gamit mula sa mga damit pambaba at pantaas o pambahay at pang-alis, mga magagandang sapatos at tsinelas, naka-istilong mga bag na tiyak pasok sa iyong maaaring gamitin na outfit of the day.
At sa papalapit na kapaskuhan, nakapag-decorate na ba ang lahat ng kanilang mga tahanan?
Makukulay na mga parol at mga Christmas lights at decors na siguradong budget-friendly ang pwede mong mabili mula sa mga tradisyonal hanggang sa modernong disenyo ng mga palamuti. Ilan sa mga ito ay mano-mano pang ginawa ng mga local artisan cum vendor ng siyudad na minsan lang nila ibida sa isang taon.
Para sa mga turistang bibisita o madadaan sa probinsya ng La Union, ang all-in-one na night market sa round market ng nag-iisang siyudad ng probinsya ang inyong must try!
Kung ikaw ay taga-Rehiyon Uno, hindi mo na kailangan pang dumayo pa sa Baguio o Divisoria para sa iyong Christmas Shopping sa tiyanggihan o food trip dahil mayroon tayong lokal na version niyan!
Nakapamili at nabusog ka na, nakatulong ka pa sa mga lokal nating kababayan na naghahanap-buhay.
Kaya naman, tara kaibigan! Sa muling pagbubukas ng komunidad matapos ang dalawang taong limitasyon buhat ng pandemya ay kapit-bisig tayo sa muling pag-unlad ng ekonomiya.
Halina’t muling mag-enjoy gaya ng buhay na mayroon tayo bago tayo yanigin ng banta ng COVID-19. (JCR/JPD/CGC, PIA Region 1)