Tuwing buwan ng Pebrero ano ang naiisip mo? Marahil, ito ay selebrasyon ng araw ng pag-iibigan sa Pebrero 14 o mas kilala sa Valentine’s Day? Mga mag-asawa o di kaya mag-sweethearts na nasa parke na sobrang sweet na sweet sa isa’t-isa; at may matching SSNHWW (Sway-Sway Ng Hands While Walking).
Pero alam ninyo ba na ginugunita rin sa araw ng Pebrero ang Philippine Heart Month? Ito ay sa bisa ng Proclamation No. 1096 na nilagdaan noong Enero 9, 1973. Ang proklamasyon na ito ay naglalayon na palawakin pa ang kaalaman ng mga Pilipino hinggil sa panganib na dulot ng sakit sa puso. Dito sa rehiyon ng Mimaropa at maging sa bansa; ang sakit sa puso ang nangunguna sa listahan bilang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Pinoy.
Ayon sa datos ng Department of Health Center for Health and Development (DOH-CHD) MIMAROPA; noong 2021, nanguna ang pagkakaroon ng sakit sa puso bilang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Mimaropans. May katumbas na 1,800 deaths o 58 ang namamatay dito mula sa bilang na 100,000 na populasyon sa rehiyon. Napakalaking bilang at nakakabahala dahil na rin sa pabata nang pabata ang mga namamatay dito. Maging ang kinatatakutan na Covid-19 noong 2021 ay nakakuha lamang ng ikalimang pwesto na sanhi ng pagkamatay o may katumbas na 587 deaths sa rehiyon.
Nakakatakot man at nakakabahala, ay mayroon pa ring magandang balita; ito ay maiiwasan kung pangangalagaan natin ang ating mga puso. Narito ang ilang mga paraan upang mapangalagaan ito:
1. Kumain ng masusustansyang pagkain – ito ay paulit-ulit na itinuturo sa atin noong tayo ay musmos pa lamang, at habang sa pagtanda mo ay dito mo napagtatanto ang kahalagahan nito sa ating kalusugan. Hanggat maaari iwasan ang mga processed foods katulad ng mga canned goods; hotdogs, tocino; mga fast foods at iba pang mga pagkain na ang dala ay cholesterol sa katawan na isa sa dahilan kung bakit nagbabara ang mga ugat natin. Sa halip ay kumain ng maraming gulay at prutas na dala ay mainam na sustansya sa katawan.
Ang pagkain ng masusustansyang pagkain katulad ng gulay at isda ay isa mabisang paraan upang maiwasan ang sakit sa puso.
2. Magpapayat- Kung ikaw ay mataba; malaki ang tyansa mo na magkaroon ng iba’-ibang sakit partikular ang dyabetis at hypertension na maaaring maging sanhi naman ng stroke at heart attack. Panatilihin ang tamang timbang na naaayon sa iyong taas at edad.
3. Mag-ehersisyo- kaugnay ng ikalawang hakbang upang maiwasan ang pagkakaroon ng malulubhang sakit sa puso; ang pag eehersisyo ay napakalaking tulong upang magbawas ng timbang at mapanatili ang ating katawan na maging malusog. Pinapayuhan ang mga mga indibidwal partikular ang mga matatanda na mag-ehersisyo ng hindi bababa sa 150 minuto ng ehersisyo kada linggo. Maaari itong gawin sa pamamagitan ng paglalakad; pagakyat sa hagdan, pagsayaw; pagtatanim, o di kaya ang simpleng paggalaw sa pamamagitan ng mga gawaing-bahay ay napakalaking tulong na upang mabawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng sakit sa puso.
Mainam ang paglalakad ng ilang minuto kada araw upang matulungan na bumaba ang presyon ng iyong dugo at mapababa ang kolesterol sa katawan. Nakatutulong din ang paglalakad upang maehersisyo ang mga joints sa paa.
4. Umiwas sa mga bisyo- Hanggat maaari iwasan ag paninigarilyo. Ayon pa sa datos, ang mga indibidwal na tumigil sa paninigarilyo sa loob ng isang taon ay maaaring mabawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng sakit sa puso at maaari rin na maragdagan ang life span ng mga ito na aabot sa sampung (10) taon. Kailangan din na iwasan ang pag-iinom ng alak, kaakibat ng pag-iinom ng alak ay iba’t-ibang sakit. Kung kaya’t hanggang maaari ay iwasan ito.
Ang palagiang pag-inom ng alak ay nakakasama sa katawan dahil ang dulot nito ay iba't-ibang sakit; kung kaya't hanggat maaari ito ay iwasan.
5. I-monitor ang iyong blood pressure at sugar level- Kailangang i-monitor nang maayos ang iyong blood pressure at sugar level sapagkat dito nakasalalay kung kailangan na mayroon mga baguhin sa iyong lifestyle o hindi naman kaya ay kailangan mo ng gumamit ng mga maintenance drugs upang mapababa ang iyong presyon at sugar level sa katawan. Sa pamamagitan din nito; ay mas higit na maaalagaan mo ang iyong sarili dahil hindi ka magaatubili na sundin ang mga payo ni dok saiyo.
Ilan lamang ito sa mga paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit sa puso. Ngayong Philippine Heart Month; ating palaganapin ang mga aprub na gawain na nabanggit sa taas para sa ating puso, para tayo ay manatiling happy and healthy. (JJGS/PIA MIMAROPA)