Paubos na lang
Pinapaubos na lamang ng ilang nagtitinda ang kanilang lokal na pulang sibuyas dahil hindi na rin nila kaya ang mataas na puhunan. Isa na dito si Kuya Phil na ibinibenta ang kanyang paninda ng P280 kada kilo.
Mahal ang puhunan subalit mababa ang demand ng sibuyas dahil sa mataas na presyo nito, kaya't karamihan sa mga nagtitinda ay pinauubos na lamang ang kanilang paninda.
“Mahal at maputla ang imported na sibuyas. Bumaba man noong Enero na P1,600/bag ngayon, pero mahigit dalawang libo na naman ngayon. Kaya pinapaubos ko na lang sa halagang P280 kada kilo” saad niya.
Duda niya, may mga nagmamanipula ng supply at presyo nito.
“Hanggat may mga negosyanteng humahawak nito, ganyan pa rin ang presyo. Mura ang bili nila pero ang benta nila dito mahal kasi may nag ma-manipulate nito. Iniimbistigahan na rin yan sa senado,” dagdag niya.
Tiwala naman ang tinderong si Tatay Joseph mas bababa ang presyo ng sibuyas ngayong Marso dahil sa harvest time na sa Ilocos at Nueva Ecija na pangunahing pinagkukunan ng lokal na sibuyas.
Importasyon at makabagong teknolohiya
Pag-angkat ng sibuyas sa ibang bansa at pag-aaral ng makabagong teknolohiya upang makapagtanim ng sibuyas sa iba pang mga lugar ang tugon ng Department of Agriculture (DA) Bicol upang madagdagan ang supply ng sibuyas at mapababa ang presyo nito.
Sa panayam kay DA Bicol Information Officer Lovella Guarin, nagsasagawa na ng trials at demonstration studies upang maiakma ang pagtatanim ng sibuyas sa rehiyon.
Dumating na rin ang mga imported na sibuyas mula sa ibang bansa alinsunod sa direktiba ni Pang. Bongbong Marcos sa layuning mapababa ang presyo nito sa mga pamilihan. (PIA5/Albay/With reports from Christine Joy Bobiles, BU intern)