No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Fire Prevention Month: Mga lifesaving tips mula sa BFP-Ilocos Norte

“Sa pag-iwas sa sunog, hindi ka nag-iisa,” ito ang tema ng Fire Prevention Month 2023 na magsisimula nitong Marso.


Sentro ng temang ito ang paalala na hindi lamang ang Bureau of Fire Protection (BFP) ang dapat may pakialam sa mga kaalaman sa pag-iwas at pagsugpo ng mga sunog, kundi na rin ang lahat ng mga mamamayan upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.


Ating alamin ang ilang mga life-saving tips mula kay CINSP Claire Simbol, officer-in-charge ng BFP-Ilocos Norte tungkol sa mga dapat gawin kapag magkaroon ng sunog sa mga bahay, opisana, o eskwelahan.


Kapag maliit lamang ang sunog, ito ang dapat sundin:

1.     Hanapin ang exit ng gusali at siguraduhing madaling makakalabas ang mga nasa loob

2.     Gumamit ng tubig, basang tela, o fire extinguisher upang patayin ang apoy

3.     I-report agad sa BFP upang masigurong ligtas na ang gusali


Ngunit kapag lumaki ang apoy at hindi na kayang patayin ng madalian, ito ang mga kailangang gawin:

1.     Hanapin ang exit ng gusali at lumabas agad upang hindi makulong sa loob ng nasusunog na gusali

2.     I-report ito sa BFP upang agarang ma-respondehan ng mga firefighters

3.     Isara ang pinto ng gusali upang ma-contain ang sunog para hindi na ito lumaki pa

4.     Tumulong sa pagsugpo ng apoy kung kinakailangan


Kung ang damit naman ang nagka-sunog, paalala ni CINSP Simbol na mag-stop, drop, at roll.


Tumigil sa paggalaw dahil lalong lalaki ang apoy kapag ikaw ay tumakbo; bumaba sa lupa o sahig at takpan ang mukha; at gumulong sa sahig hanggang mapatay ang apoy.

Sa mga bahay, opisina, at mga silid-aralan, nagpapaalala din ang BFP na maging masinop sa mga gamit at maingat sa mga electric na appliances upang hindi magsimula ng sunog.


Paalala ni Simbol na huwag kakalimutang patayin ang mga appliances kapag lalabas ng bahay para hindi mag-overheat ang mga ito.


Ugaliin din ang regular na pagsusuri sa mga Liquefied petroleum gas (LPG) tanks na ginagamit sa pagluluto para masiguro na wala itong leak.


Panayam kay CINSP Claire Simbol, officer in charge ng BFP-Ilocos Norte upang pag-usapan ang mga programa ng BFP Fire Prevention Month sa Marso. (EJFG, PIA Ilocos Norte)

Iwasan din ang ‘octopus connection’ o ang sobrang pagsasaksak ng mga electic appliances, gadgets at iba pang kagamitan sa iisang outlet o sa iisang extension cord.


Isa sa mga pinaka-importanteng life-saving tip mula kay Simbol ay ang pagsali sa mga fire drills upang alam ang gagawin kapag may fire emergencies.


“Hinihikayat ko ang lahat na seryosohin ang mga fire drills, mga seminars at trainings, at basahin nang mabuti ang mga nakikitang educational materials sa fire safety dahil ito ang makakatulong satin na iligtas ang ating sarili at ibang tao in case mayroong mga fire emergencies,” payo ni Simbol.


Sa darating na Fire Prevention Month sa Marso, umaasa ang BFP na isasabuhay ng mga Ilokano ang kanilang mga paalala para buong taon ay ligtas ang lahat sa panganib ng sunog. (JCR/MJTAB/EJFG, PIA Ilocos Norte)

About the Author

Emma Joyce Guillermo

Information Officer 1

Region 1

Feedback / Comment

Get in touch