LEGAZPI CITY, ALBAY (PIA) – Binigyang pugay ng lokal na pamahalaan ng Camalig ang mga responders sa matgumpay na 13 araw na search, rescue at retrieval operations nitong Lunes, Marso 6, sa Nuyda Park, Camalig, Albay.
Lubos ang pasalamat ni Alkalde Mayor Carlos Irwin “Caloy” Baldo Jr. sa lahat ng tumulong, na kanyang binansagang mga ‘bagong bayani.’
“Hindi magiging successful ang operation na ito kung walang cooperation ng bawat isa,” turan ni Baldo.
Nagpahayag din ng taos-pusong pasasalamat si Energy Development Corporation President and COO Richard Tantoco.
“The team members here today risked their own lives and some were also injured while completing this grueling task. We offer our deep gratitude and sincere thanks to all the various organizations involved in the search, rescue and retrieval operations,” ayon kay Tantoco.
Magnificent 5
Kasama sa mg kinilala ang tinaguriang Magnificent 5 na unang nakarating sa matarik at mapanganib na crash site na 350 meters na lamang ang layo mula sa crater ng Bulkang Mayon.
Sila ang mga residente ng Brgy. Anoling sa Camalig na sina Jose Obal, Marjames Mariñas, Orly Nantes, Gerry Nodalo at ang 68-anyos na si Roger Villanueva.
“Naisipan lang naming umakyat kasi may mga usap-usapan kaming narinig na may buhay pa daw na dalawa sa taas kaya pinursige namin,” ani Nodalo.
Kinilala ang limang residente ng barangay Anoling sa Camalig, Albay na tinaguriang Magnificent 5. Sila ang unang nakarating sa sa crash site at nagsilbing gabay sa mga responders.(Mayor Baldo photo)
Dahil mas kabisado nila ang daanan patungo sa crash site, sila ang naging gabay ng mga responders alinsunod na rin sa direktiba ni Incident Commander at Camalig Mayor Baldo.
Matarik, mabato, madulas at walang makita sa daraanan papunta sa crash site dahil sa patuloy na sama ng panahon.
"Isang maling galaw lamang at maaring bumagsak sa malalim na gulley ng Mayon," saad ni Nodalo.
Tiger of Mayon
Kasama sa mga nangunang Albayano volunteers na sumuong sa panganib na ito si George Cordovilla, ang tinaguriang Tiger of Mayon dahil sa mahigit 300 beses na pag-akyat sa bulkan. Kasama rin siya sa mga survivors na inabot ng phreatic eruption noong 2013.
Ang "Tiger of Mayon" na si George Cordovilla (sa gitna) ang isa sa naunang Albayano mountaineers na nag-volunteer suungin ang panganib sa Bulkang Mayon upang mahanap ang mga biktima ng Cessna plane crash sa Albay.(Photo from Mayor Baldo)
Si Cordovilla, edad 62, ang team leader ng Albay Climbing Community.
Aniya, sa kabila ng kasanayan at kaalaman sa terrain, nakaambang muli ang panganib ng phreatic eruption.