No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Ani ng Tagumpay ng mga Kababaihan

Pagpatak ng alas-8 ng umaga ay sabay-sabay na tutulak ang may 14 na aktibong miyembro ng asosasyon sa halos isang ektaryang sakahan na puno ng iba't ibang pananim kagaya ng kalabasa at luya para mag-cultivate o di kaya ay mag-ani ng mga bunga. (Larawan mula sa PEWA)

"Hindi lang kami babae. Ang katuwang namin sa pagsasaka ay pala, 'yan ay gawain ng mga lalaki pero wala kang makikitang lalaki na nagtatrabaho doon sa lugar kundi puro kami mga babae."

Ito ang mga turan ni Elena Casidsid, Presidente ng Progreso Este Women's Association (PEWA), nang ibahagi sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon ang kanilang araw-araw na ginagawa ng mga miyembro ng kanilang asosasyon sa sakahan sa kanilang barangay.

Pagpatak ng alas-8 ng umaga ay sabay-sabay na tutulak ang may 14 na aktibong miyembro ng asosasyon sa halos isang ektaryang sakahan na puno ng iba't ibang pananim kagaya ng kalabasa at luya para mag-cultivate o 'di kaya ay mag-ani ng mga bunga.

Nang maitatag ang PEWA, agad na naging aktibo sila sa mga programa ng gobyerno hanggang sa tinanggap na ang mga hamon ng pamahalaan para sa iba't ibang programa kagaya ng pag-aalaga ng mga alagaing hayop at pag-tatanim ng iba't ibang gulay. Ang PEWA ay naglalayong makapagbigay ng tulong at trabaho sa mga kababaihan ng Barangay Progreso Este sa bayan ng Odiongan, Romblon.

"Noong una yan sila [mga miyembro] ay mga umaasa lang sa gobyerno pero nang mabuo ang grupo, nagkakaroon na sila ng sariling kita sa pamamagitan ng pagtatanim," ayon kay Casidsid.

Sa tulong ng mga interbensyon ng pamahalaan, umaano na ngayon ng halos 3 tinoledang gulay ang grupo sa isang klase ng gulay pa lamang. (Larawan mula sa Odiongan PIO)

Ibinahagi rin ni Casidsid na natulungan ng grupo na makapag-aral ang mga estudyanteng anak ng kanilang miyembro. Natutustusan umano nila ang kanilang kailangan sa araw-araw sa pamamagitan ng pagtatanim.

Sa tulong ng mga interbensyon ng pamahalaan, umaani na ngayon ng halos 3 toneladang gulay ang grupo sa isang klase ng gulay pa lamang.

'Women Empowerment'

Ang mga ganitong tagumpay ay ibinabahagi rin ng PEWA sa iba pang Women's group sa bayan ng Odiongan kagaya sa Mayha Women's Association na nagkaroon rin ng sariling sakahan na kanilang pinagkukunan ng kita at pagkain araw-araw.

Ayon kay Gessele Fainsan, Focal Person ng LGU Odiongan sa Women's Affair, mahalaga umano ang "women empowerment" sa panahon ngayon para mabigyan ng pantay na karapatan at boses ang mga babae sa gusto nilang gawin kagaya na lamang umano ng mga nagtatrabaho sa mga sakahan.

Ang pagkakaroon rin umano ng boses ng mga kababaihan pagdating sa paggawa ng polisiya at mga batas ay mahalaga para mapanatili ang pagkakaroon ng pantay na pag-unawa sa mga kababaihan at mga kalalakihan.

"Napakahalaga na may boses ang kababaihan dahil kung hindi natin maipaparating sa gobyerno kung ano ang kakulangan nila lalo na sa kababaihan ay hindi nila maibibigay kung ano ang serbisyo na para sa atin. Kaya mahalaga na naipaparating kasi naniniwala ako na hindi naman manghuhula ang gobyerno," pahayag nito.

Dagdag pa nito, ang pagtutulungan umano ng mga grupo ng kababaihan at ng gobyerno ang siyang susi para maipaabot sa mga kababaihan ang serbisyong nararapat sa kanila.

Ngayong Women's month, panawagan nina Fainsan at Casidsid na bilang babae ay may magagawa rin para sa bayan.

"Bilang mga babae, tumayo tayo at sabihin natin ang nasa puso natin dahil alam natin na kung sama-sama tayo, marami tayong magagawa basta doon 'yung ating willingness," pahayag ni Fainsan. (PJF/PIA MIMAROPA)

Mga miyembro ng Progreso Este Women's Association habang inaani ang mga tanim na luya. (Larawan mula sa PEWA.

About the Author

Paul Jaysent Fos

Writer

Region 4B

Information Center Manager of Philippine Information Agency - Romblon

Feedback / Comment

Get in touch