‘May Kapansanan, May Kakayahan.’ Ito ang naging tema sa isinagawang selebrasyon sa pakikiisa ng mga kasapi na may kapansanan sa lungsod na ito na kung saan kanilang ipinamalas ang mga natatatanging talento sa pag-awit, pag tugtog ng mga instrumento at paglalaro na bahagi ng pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod na isinagawa sa gusali ng ehekutibo.
Sa mensahe ni Persons with Disability Affairs Office (PDAO) Head Benjamin Agua, Jr., “Maraming nagagawa ang taong normal na hindi kayang gawin ng may kapansanan, ngunit marami din nagagawa ang may kapansanan na hindi kayang gawin ng isang normal na tao. Kaya hindi dapat balewalain ang kakayahan ng mga may kapansanan tulad na lamang ng pagkanta at pagtugtog ng mga instrumento.”
Makikita sa larawan ang mga PWD na naglalaro ng badminton (kaliwa), ping-pong (gitna) at chess (kanan) sa isinagawang araw ng mga may kapansanan na bahagi ng programa ng pamahalaang lungsod bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng lungsod. (Larawan kuha ng Calapan City PDAO)
Dalawa sa nagpakitang gilas sa pag awit at pagtugtog ng gitara at keyboard ay sina Zeus Fedelino at Shawn Edward ‘EJ’ Cruz na kapwa may kapansanan sa paningin. Bata pa lamang sila ay nakitaan na ng kakaibang talento sa pag awit habang si Zeus ang nagi-gitara at si EJ sa keyboard.
Kapwa pinahanga ang mga manonood na mga empleyado ng Pamahalaang Lungsod at mga kapwa PWD ng dalawa kaya naman nangako si Calapan City Mayor Malou Flores-Morillo na buo ang kaniyang suporta sa mga programa, proyekto at pangangailangan ng sektor ng may kapansanan sa lungsod.
Samantala, bago pa ang nasabing aktibidad ay nagkaroon muna ng ilang paligsahan ang mga may kapansanan tulad ng paglalaro ng badminton, ping-pong at chess. (DN/PIA MIMAROPA)