No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Ligtas ang May Alam! Alamin ang Inyong Karapatan

Walong kaalaman para sa Mamimili

LEGAZPI CITY (PIA5/Albay)--’Ligtas at lamang ang may alam!’ kaya naman ibinahagi ni DTI Albay Senior Trade and Industry Specialist Malou Pasobillo ang walong karapatan ng mamimili para sa kanilang kaligtasan at proteksyon.

Isa dito ay ang karapatan sa mga pangunahing pangangailangan.

‘’Sa panahon ng kalamidad, bilang mamimili dapat maging alisto at may sapat na basic commodities sa ating lugar,’’ saad ni Pasobillo.

Aniya, nagkakaroon din ng price freeze ng mahigit 60 araw mula sa pagdeklara ng pangulo ng Pilipinas sa isang lugar na under of state of calamity na napinsala tulad ng bagyo o anumang kalamidad.

Dagdag pa niya nararapat lamang na ‘’easy access’’ ang mga bilihin lalo na ang mga produktong pangkalusugan.

PAGBAHAGI | Sinabi ni DTI Albay Senior Trade and Industry Specialist Malou Pasobillo ang walong karapatan ng mga mamimili sa kaniyang panayam kasama si PIA Information Center Manager-Albay Sally Altea sa Talakayan sa PIA-Albay radio program nitong ika-17 ng Marso 2023.

Pangalawa ay ang karapatan sa kaligtasan ng mamimili.

Paano nga ba mapoprotektahan ang iyong sarili laban sa mga nagbebenta ng depektibong produkto o nagbibigay serbisyo na mapanganib sa buhay o kalusugan?

‘’Makakaiwas tayo dito sa pamamagitan ng pagiging mapanuri, basahin ang mga label ng produkto, kahit maliit lang ang nakasulat, maging matiyaga sa pagbabasa para alam  kung ano yung ingredient o magiging epekto ng produkto kapag ginamit ito,’’ saad ni Pasobillo.

Para naman sa mga consumer products, sinabi ni Pasobillo na dapat may mga certification marks ang mga ito tulad ng PS license mark sa electronic products, ICC mark naman kung imported at iba pang product license na maaaring i-verify ng DTI at sa website ng Bureau of Philippine standard.

Ika-tatlo, karapatan sa impormasyon upang maprotektahan sa mga mapanlinlang at hindi tamang advertisements o labeling sa mga produkto.

Ika-apat, karapatang makapili ng produkto na may kasiguraduhan na ito ay ligtas at may kalidad.

Ayon kay Pasobillo, mas makakatipid ang mamimili sa mga produktong mahal ang presyo pero may kalidad at tumatagal kaysa naman sa mga produktong mura nga pero madalas naman itong palitan.

Kung si Marites ay nakabili ng washing machine sa halagang P1,000 at tumagal ng isang taon kaya bibili na naman siya ng panibago. Samantala, ang kasabayan niyang bumili na si Karen ay pinili ang washing machine na nagkakahalaga ng P7,000, may kalidad, certification mark at tumagal ng sampung taon, sino nga ba ang mas nakatipid?

Kaya naman,‘’Mas makakamura sa mahal,’’ ang saad ni Pasobillo.

Ika-lima, karapatan sa representasyon o ipahayag ang interes bilang mamimili tulad ng pagdalo sa mga public hearings o konsultasyon at pag obserba kung paano ipinapatupad ang consumer laws.

Ika-anim, karapatan ng mamimili na dinggin ang mga hinaing o reklamo sa serbisyo o produkto na ibinibigay ng isang kompanya o establisyemento.

‘’Bilang mamimili, kung nakabili tayo ng mga produkto na may depekto, entitled tayo sa tatlong pamamaraan; ipa-repair, humingi ng replacement o maaari tayong magpa-refund,’’ ani Pasobillo.

Dagdag pa ni Pasobillo, mahalagang itago ang resibo bilang ebidensya na bumili sa isang tindahan kung ito ay may sira o depekto.

Ang ika-pitong karapatan ay ang pagtuturo tungkol sa pagiging matalinong mamimili. Kaya naman nananawagan si Pasobillo na makilahok sa mga consumer education activities.

Ika-walo naman ay ang karapatan sa ligtas at malinis na kapaligiran, kasiguruhang walang panganib at banta sa buhay ng mamimili.

Ang mga nabanggit na walong karapatan ng mamimili ay batay sa Consumer Act of the Philippines (RA 7394) na may layuning protektahan ang interes ng mamimili, isulong ang kanilang kaligtasan at kapakanan at magtatag ng pamantayan sa pamimili. (PIA5/Albay)

About the Author

Cyryl Montales

Writer PIA/Albay

Region 5

Amor Fati

Feedback / Comment

Get in touch