No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Modernong Maria Clara

Kamakailan ay naging sentro ng mga talakayan kung ano nga ba ang mga katangiang taglay ng isang modernong Filipina?
 
Nagsimula ito ng pumatok ang palabas na “Maria Clara at Ibarra”.
 
Si Maria Clara ay ang kilalang tauhan sa tanyag na nobelang Noli Me Tangere ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.
 
Mula pa noon ay ginagawa nang basehan para sa mga kababaihan ang mga ugaling taglay ng karakter na ito.
 
Dati ay sinasabing dapat na ang isang babae ay mahinhin, masayahin, at masunurin gaya ng ilang katangian ni Maria Clara.
 
Ilan lamang ang mga nabanggit sa mga inaasahan ng lipunan sa mga kababaihan, o ang tinatawag na stereotypes. 

Regional director Jennilyne C. Role ng Philippine Information Agency Ilocos habang nagbibigay ng mensahe para sa pagdiriwang ng National Women's Month. PIA/ATV

Sa pagdiriwang ng National Women’s Month, ibinahagi ng ilan sa mga kababaihan sa Rehiyon Uno ang kanilang kaisipan sa kung ano nga ba ang kahulugan ng pagiging isang babae.
 
Ayon kay Board Member Mildred Elaydo, tagapangulo ng komite ng Gender and Development, Women and Family Affairs, “Dati, ang mga babae [dapat] nasa bahay lang na para maglaba at maglinis, pero ngayon marami ng empowered women at women leaders.”
 
Ilan din sa kanila ang nagsabing ang isang babae ay matapang, at buo ang puso na lumaban para sa kanyang mga mahal sa buhay, sa kanyang paniniwala, at sa kanyang mga pangarap.
 

“Matatag tayo, kaya natin lahat kahit anong pagsubok sa buhay natin, kahit anong problema,” ani Suzette Raña na isang security guard sa Kapitolyo ng probinsya at pangulo ng Solo Parents Association sa lungsod ng Vigan.
 
Saad naman ni Philippine Information Agency regional director Jennilyne Role, “In this new era, women play a very vital role in nation-building. There are a lot of working women in the industry, we have a lot of women leaders.”
 
Ayon pa sa kanya ay hindi matatawaran ang mahalagang gampanin ng mga kababaihan sa ating lipunan.
 
“I encourage all women, maging matapang po tayo, maging proud po tayo na tayo ay mga babae,” ani Role.
 
Ang isang babae, ayon naman kay Dr. Trina Tabboga-Talaga na siyang provincial health officer sa Ilocos, ay hindi lang basta babae kundi isang babae na maraming kakayahan at puno ng talento.
 
“She portrays softness, gentleness, at the same time strength,” aniya.
 
Payo ni Attorney Jannah Singson, private secretary ni Governor Jerry Singson, na dapat isaisip na ang pagiging babae ay hindi basta-basta.
 
Ayon sa kaniya, “We are capable of achieving great things and amazing things, and we should not let anyone tell us otherwise.”
 
Samantala, sinabi ni Board Member Gina Cordero na kailangang bigyan ng pagkilala ang mga tagumpay ng kababaihan.
 
“Kailangang pagbutihin pa lalo ng mga kababaihan ang kanilang ginagawa dahil naniniwala akong makakamit din nila ang tagumpay,” saad niya.

Sa mensahe ni Civil Service Commission provincial director Marina Cabañero, sinabi niyang dapat ipagpatuloy ng kababaihan ang pagiging inspirasyon sa kanilang mga trabaho at komunidad upang madagdagan pa ang mga pagkakataon para sa kababaihan.  
 
Aniya, “Let us continue to be amazing in our own fields of expertise.”
 
Halos iisa ang sigaw ng mga kababaihan, “Iyong kayang gawin ng mga lalake, kayang kaya rin ng mga babae.”
 
Bagaman kailangan nating pahalagahan ang nakaraan, marapat din na iwan na natin sa nagdaang henerasyon ang kinalakihang sistema kung saan tayo ay nakakahon.

Attorney Jannah Singson, private secretary ni Governor Jerry Singson, habang nagbibigay ng paalala sa mga kababaihan sa Ilocos Sur. PIA/ATV

Sadyang isang magandang ehemplo para sa kababaihang Pilipino si Maria Clara, ngunit taliwas sa nakasanayan o akala ng iba siya rin ay matapang, may paninindigan, matalino at matatag.
 
Kung ikaw man ay mahinhin o madaldal, masayahin o katamtaman lamang, masunurin o di kaya ay may nais ding ipaglaban, walang sinuman ang makakapagsabi kung ano ang dapat mong gawin o sino ang dapat mong pamarisan.
 
Si Maria Clara man, Gabriela Silang, Hidilyn Diaz, Paz Marquez Benitez, o si Nesthy Petecio ang nais mong tularan, lagi mong tatandaan na natatangi ka sa lahat sapagkat nag-iisa ka lang. (JCR/AMB/ATV, PIA Ilocos Sur)

About the Author

Aila Villanueva

Writer

Region 1

Aila T. Villanueva is an Information Officer I of the Philippine Information Agency Ilocos Sur Information Center based in the Heritage City of Vigan.

Feedback / Comment

Get in touch