No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Sakit dulot nang matinding init ng araw, ano nga ba ito?

Siguraduhin na komportable at presko ang mga kasuotan sa kahit anumang aktibidad na gagawin ngayong tag-init. Makatutulong ito upang hindi makulob ang init sa katawan; karamihan sa mga nakararanas ng heat stroke ay ang mga indibidwal na mayroon mabibigat na gawain sa gitna ng init ng araw.
Iwasan ang pagbibilad sa matinding sikat ng araw, lalung-lalo na kapag tanghaling tapat. Dito nagkakaroon madalas na insidente ng heat stroke sa bansa.

Summer na naman!

Ito ang panahong hinihintay ng marami dahil kaakibat nito ang masayang 'summer getaway' kung saan mayroon tsansa na makapag bakasyon ang mga tao sa iba’t-ibang lugar na nais nila puntahan. Karaniwan, nagpupunta sa mga tabi ng dagat, ilog, malls at iba’t-ibang tambayan ang mga tao na hindi nagagawa kapag tag-ulan sa bansa.

Ngunit, sa kabila ng pagsasaya na ito ngayong tag-araw, hindi maiiwasan na magkaroon ng malubhang sakit dahil dulot ng sobrang init ng araw. 

Isa sa dulot na sakit ng sobrang mainit na panahon ay ang heat stroke. Ano nga ba ang heat stroke? Nagaganap ito kapag hindi na nakakayanan kontrolin ng katawan ang sarili nitong temperatura; sa ganitong pagkakataon, madalas ay mabilis na tumataas ang temperatura ng katawan at hindi na gumagana ang tinatawag na cooling mechanism ng katawan o pagpapawis.

Ilan sa mga nakadadagdag panganib upang makaranas ng heat stroke ay ang mga sumusunod: mainit at maalinsangan na panahon, matinding ehersisyo o gawain sa gitna ng mainit na panahon; dehydration, at matagal na pagkakabilad sa arawan.

Anu-ano naman ang karaniwang senyales at sintomas ng heat stroke?

Ito ay ang pagkakaroon ng lagnat na sobra sa 40°C na temperature; namumula, mainit, at tuyo ang balat, kulang o sobra sa pagpapawis; pagkahilo at pagsusuka, pagkaduwal, at pamumulikat. Ilan lamang ito sa mga senyales na maaaring mapansin na dapat kaagad na maagapan ng lunas. 

Kung nakararanas na ang indibidwal ng mga sintomas na ito, kaagad na ilikas ang mga ito patungo sa mga mas malilim at malamig na lugar. Maaari rin ihiga ang mga ito at siguraduhin na nakataas ang paa. Kung may kakayahan uminom, ay painumin ito ng malamig na tubig. Kailangan rin tanggalin ang saplot nito sa katawan upang mabawasan ang init na nararamdaman mula dito. Panghuli, kaagad na magtungo sa ospital upang malapatan nang nararapat na medikal na atensyon.

Ipinapayo naman ng mga eksperto upang makaiwas sa ganitong pangyayari, na limitahan ang paglabas lalo na kapag sobrang tingkad ng araw partikular sa mga indibidwal na mayroon comorbidities katulad ng hypertension at sakit sa puso. Ipinapayo rin na magsuot ng mga presko at maninipis na damit. Umiwas sa pag-inom ng mga inumin na mayroong caffeine katulad ng kape at tsaa. Mahalaga din ang sapat na paginom ng tubig.

Ngayong summer, masayang magbakasyon, ngunit huwag din natin kalimutan na pangalagaan ang ating kalusugan. Dahil kapag healthy ka, happy ka! (JJGS/PIA MIMAROPA)

About the Author

Juanito Joshua Sugay

Information Officer II

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch