No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Binturong, matatagpuan lamang sa Palawan

Isa sa mga hayop na posibleng maubos na ang lahi kung hindi mapangalagaan at maproteksiyonan ay ang Binturong o Bearcat.

Isa itong uri ng mammal na may scientific name na ‘Arctictis binturong.’

Ang nasabing hayop ay kasama sa Red List of Threatened Species ng International Union for Conservation of Nature (IUCN) dahil sa unti-unting pagkawala o pagkaubos ng lahi nito dulot ng iligal na pamumutol ng kahoy sa kagubatan, iligal na pagbi-benta nito bilang alagang hayop at sa pangangaso kung saan maaaring mapakinabangan ang balahibo o ang karne nito.

Ang populasyon nito ay matatagpuan sa kagubatan ng Southeast Asia, tulad ng mga bansang Bangladesh, Bhutan, Cambodia, China, India, Vietnam, Laos, Thailand, Indonesia, Malaysia, Myanmar, Nepal at Pilipinas.

Ang Palawan Bearcat. (Mga larawan mula sa PWRCC)

Sa Pilipinas, tanging sa lalawigan ng Palawan lamang matatagpuan ang Binturong kung kaya’t dito isinagawa ang ika-9 na edisyon ng World Binturong Day nitong Mayo 12-13, 2023 sa pangunguna ng ABConservation, isang French Non-Government Organization (NGO) na nagangalaga at nagpo-protekta sa mga Binturong.

Isa lamang ang painting contest sa mga naging aktibidad sa pagdiriwang ng World Binturong Day sa Puerto Princesa City kamakailan. (Larawang kuha ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)


Ilan sa mga naging aktibidad ng nasabing pagdiriwang ay ang Scientific Conference, Painting Contest, Puppet Show, Binturong treasure hunt, Search for Ms. Binturong, Hip-hop dance contest at iba pa.

Dinaluhan ito ng mga piling mag-aaral mula sa iba’t-ibang paaralan sa Lungsod ng Puerto Princesa maging ng iba’t-ibang tanggapan.

Ayon kay Romain Pageaud, Public Relation Manager at International Solidarity Volunteer, hangad ng ABConservation na maipalaganap sa mga mamamayan ng Palawan at mga mag-aaral ang kanilang isinasagawang pagprotekta at pag-aaral sa mga Binturong upang maparami itong muli.


Sa Palawan ang pangunahing ahensiya na nangangalaga at pomoprotekta sa mga hayop ilang kasama na ang Binturong ay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center.

Mayroon ding grupo ng mga mag-aaral mula sa Palawan State University (PSU) na nangunguna sa pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa kahalagahan ng Binturong sa ecosystem ng lalawigan kung saan dahil dito ay nabuo ang kanilang Binturungan Festival na ipinagdiriwang kasabay ng anibersaryo ng pagkakatatag ng nasabing unibersidad. (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch