Upang maipakilala sa mga kabataang Palaweño, gayundin sa mga panauhin sa loob at labas ng lalawigan ang mayamang kultura, natatanging kaugalian, at makulay na sining na itinuturing na yaman ng lalawigan ng Palawan mula sa mga katutubong tribu, sa kauna-unahang pagkakataon ay tampok ngayon sa Baragatan sa Palawan Festival 2023 ang ‘Baragatan Tribal Village.’
Ito ay sa konsepto ni Baragatan Executive Committee Chairman Ceasar Sammy A. Magbanua katuwang ang tanggapan ni Provincial Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) Purita J. Seguritan upang bigyang pagkakataon ang mga katutubo partikular ang apat na mga piling pamayanan na magkaroon ng partisipasyon sa taunang selebrasyon ng Baragatan Festival.
Sa Tribal Village ay matutunghayan ang kuwento ng bawat tribu at iba’t-ibang mga produkto na gawa ng mga ito, mga katutubong kasuotan, gamit sa pangingisda, pangangaso at pagsasaka; mga instrumentong pang musika; kagamitan sa bahay; katutubong kultura, paniniwala, tradisyon, at iba pa. Layon nito na maipadama sa mga katutubo na bahagi sila ng pag-unlad ng Palawan.
Mayroon din itong ‘Taboan’ na hango sa salitang Bisaya na ang ibig sabihin ay ‘Pamilihan’ na kung saan ay mabibili ang iba’t-ibang mga produkto mula sa apat na tampok na tribu. Ito ay bilang pagkilala sa mga bunga, ani at likha na sumasalamin ng sipag, dedikasyon at pagkamalikhain ng mga Palaweño, na may malaking gampanin sa tinatamasang pag-unlad ng lalawigan.
Apat na katutubong pamayanan lamang ang napili ngayon taon para magkaroon ng partisipasyon sa Baragatan Tribal Village, ito ay ang Palaw'an, Tagbanua Sentral, Molbog at Batak.
Sa susunod namang pagdiriwang ng Baragatan sa Palawan Festival itatampok ang iba pang katutubong tribu ng Palawan tulad ng Agutaynen, Cagayanen, Cuyonon, Tagbanua Tandulanen at Tagbanua Calamianen.
Binuksan ito noong Hunyo 9 na magtatagal hanggang Hunyo 25, 2023 at matatagpuan ito sa Capitol Compound. (OCJ/PIA-Palawan)