No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Herd immunity laban sa tigdas, rubella at polio, makakamit ng OccMin ayon sa PHO

Upang matiyak na hindi magkaroon ng outbreak ng rubella at polio sa probinsya, sinikap ng Provincial Health Office (PHO) OccMDo na mabakunahan lahat ang target nitong 50,885 na mga bata, 0-59 na taong gulang. Mga larawan mula sa PHO OccMdo.

Upang matiyak na hindi magkaroon ng outbreak ng rubella at polio sa probinsya, sinikap ng Provincial Health Office (PHO) ng Occidental Mindoro na mabakunahan lahat ang target nitong 50,885 na mga bata, 0-59 na taong gulang, sa Chikiting Ligtas 2023 Campaign-Extended, na nagtapos kahapon, Ika- 15 ng Hunyo.

Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Teresa Tan, masyadong mababa noon ang immunization rate sa mga bata sa probinsya. Aniya, bago nagsimula ang supplemental vaccination nitong nakaraang buwan, nasa 50% pa lamang ang mga batang nabigyan ng bakuna na kasama sa regular immunization ng gobyerno. Ayon kay Tan, 95% ng target na mabakunahan ang dapat maabot para sa herd immunity o proteksyon sa outbreak ng isang sakit.

Sa pinakahuling datos na ibinahagi ni Lailanie Shiela Abeleda at Ken Agoncillo ng PHO, tumaas na sa 85.31% ang mga nabakunahan laban sa nabanggit na mga sakit. Aniya nagtulungan ang PHO at mga Municipal Health Office sa buong lalawigan, gamit ang iba’t ibang pamamaraan, upang maabot ang kani-kanilang target na bakunahan lalo na ang mga nasa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA).

Sa gitna ng pagsisikap na ito ng mga health official ng lalawigan, mayroon pa ring problema sa pagpapatupad ng kampanya. “Maraming mga magulang ang may takot pa rin sa bakuna,” ani Abeleda, at mismong Department of Health (DOH) aniya ang nagsasabi na malaki ang kinalaman dito ng mga negatibong usapin noon sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) vaccine.

Nagtulungan ang Provincial Health Office (PHO) at mga Municipal Health Office sa buong lalawigan, gamit ang iba’t ibang pamamaraan, upang maabot ang kani-kanilang target na bakunahan lalo na ang mga nasa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA). (PHO OccMDo)

Problema rin ang paghimok sa ilang mga katutubo na magpabakuna ayon kay Agoncillo. May mga Indigenous Peoples (IPs) na naniniwalang paglabag sa kanilang tradisyon ang pagpapaturok ng bakuna, samantalang ang iba naman ay sumusunod sa kung ano ang sabihin ng nakatatanda sa kanilang pamayanan.

Kaugnay nito, muling tiniyak ni Abeleda na epektibo at ligtas ang mga bakuna sa tigdas, rubella at polio. Katunayan aniya, kabilang sa regular immunization program ng DOH ang nasabing mga bakuna at matagal nang ginagamit.

“Supplemental immunization itong ginagawa namin. Dagdag na bakuna na lamang ito upang matiyak natin na may sapat na proteksyon ang ating mga anak,” saad ni Abeleda.

Ayon naman kay Agoncillo, bagamat hindi nakamit ng probinsya ang target nito sa pagtatapos ng kampanya, maituturing na mataas na rin ang antas ng mga batang nabakunahan. Bukod dito, magpapatuloy pa ang pagbibigay ng mga nabanggit na mga bakuna sa mga health center ng bawat munisipyo, sa ilalim ng Enhanced Immunization Program ng DOH, kung kaya’t makatitiyak ang lalawigan na makakamit pa rin ang herd immunity laban sa tigdas, rubella at polio.

Ang programang Chikiting Ligtas 2023 ng DOH ay naglalayong punuan ang hindi naisagawang pagbabakuna nitong nakalipas na mga taon dahil sa pagdating ng pandemya. Umaasa ang PHO na mauunawaan ng mga magulang ang kahalagahan ng ibinibigay na bakuna para na rin sa kaligtasan ng kanilang mga anak. (VND/PIA Mimaropa-OccMin)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch