PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Napapanahon sa mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa pagdiriwang ng Philippine Environment Month, Philippine Arbor Day, at ika-160 na anibersaryo ng Philippine Forestry Service sa pangangalaga ng kapaligiran at pagsisiguro sa integridad nito para sa mga Pilipino at kinabukasan ng bansa ang taunang pagsasagawa ng Pista Y’ Ang Cagueban sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Muling nagbabalik ngayong taon ang pistang ito matapos mahinto ng dalawang taon dahil sa pandemya. Tinaguriang ‘urban edition’ na may temang 'Urban Cooling: Community Tree Planting towards addressing Climate Change and Urban Heat Island' ang ginanap na 30th Pista Y’ Ang Cagueban (PYAC ngayong taon dahil isinagawa ito sa urban areas sa lungsod, hindi katulad ng mga nakagawiang pagsasagawa nito na sa mga kagubatan o watershed areas nagtatanim ng mga puno.
Sa paliwanag ni City Environment and Natural Resources Officer Atty. Carlo B. Gomez sa opening ceremony ng PYAC, ang pagpapatuloy ng aktibidad na ito ay upang labanan ang epekto ng climate change, tulad na lamang ng naranasang heat index sa lungsod noong Abril na umabot sa 43 degrees Celsius na napaka-mapanganib sa kalusugan ng mga tao kung kaya’t napagdesisyunan ng Pamahalaang Panglungsod ng Puerto Princesa na isagawa ang PYAC sa mga urban areas.
Nasa 6,000 iba’t-ibang punong kahoy tulad ng Ipil, Narra, Tagpo, Malakatmon, Ahern’s Balok, Makaasim, Magalmon, Dao, Bago, Timgas at iba pa ang inihanda ng ENRO na itinanim sa Holy Trinity University (HTU)-Tiniguiban Campus, Seminario de San Jose, Plaza Cuartel at sa mga bakante lupa ng piling mga paaralan.
Ayon kay Atty. Gomez, mula nang ipatupad ang PYAC noong Hunyo 30, 1991 sa iba’t-ibang lokasyon ay milyong puno na ang naitanim at nasa 70 hanggang 80 porsiyento ang ‘survival rate’ ng mga ito.
Sinabi naman ni Mayor Lucilo R. Bayron na hangga’t may bakanteng lupa pa sa ‘urban areas’ ng lungsod ay doon muna isasagawa ang susunod pang pagdiriwang. Pinangunahan din ni Bayron, kasama sina Palawan 3rd District Representative Edward S. Hagedorn at Vice Mayor Maria Nancy Socrates ang pagtatanim ng mga puno sa HTU-Tiniguiban.
Ang Pista Y’ Ang Cagueban ay wikang Cuyonon, na ang ibig sabihin ay Pista ng Kagubatan. Ang Cuyonon ang pinakamalaking tribu ng mga katutubo sa Palawan.
Noong 1991, ang Pista Y’ Ang Cagueban ay nakonsepto ng Development Communication, Training and Community Mobilization Department sa ilalim ng Palawan Integrated Area Development Project Office (PIADPO) na ngayon ay Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) na ang layunin ay ganap at malawak na ipaalam sa mga tao ang tungkol sa pangangalaga sa kapaligiran, mga isyu sa konserbasyon ng kagubatan at ang boluntaryong malawakang pagtatanim ng puno ay isa ring makabuluhang hakbang tungo sa paglutas sa problema ng kakulangan sa suplay ng tubig.
Nagkataon naman na matapos maideklara ng United Nations ang Hunyo bilang Buwan ng Kapaligiran o Environment Month ay ipinanganak noong Hunyo 30, 1991 ang unang Pista Y’ ang Cagueban.
Ang Irawan Watershed Area, ang lugar ng taunang PYAC kung saan ito ang lugar na pangunahing pinagkukunan ng maiinom na tubig para sa mga residente ng lungsod.
Noong 1993, ilang buwan matapos maihalal si Edward S. Hagedorn bilang bagong Mayor ng Puerto Princesa City ay pinagtibay at pinalakas pa nito ang PYAC na ginawa nitong sentro ng programa sa rehabilitasyon sa kapaligiran ng kanyang administrasyon, at tuloy-tuloy na itong isinasagawa ng Pamahalaang Panlungsod hanggang sa kasalukuyang administrasyon.
Naging tugon din ito sa National Greening Program ng Pamahalaan na may layuning makapagtanim ng nasa 1.5 bilyong puno sa 1.5 ektaryang lupain sa buong bansa mula taong 2011 hanggang 2016 sa panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino Jr.
Noong nakaraang taon ay isinagawa ang PYAC sa walong barangay sa lungsod na kinabibilangan ng mga Barangay ng Langogan, Binduyan, Concepcion, Tanabag, San Rafael, Maoyon at Lucbuan upang mapanumbalik ang mga nasirang kagubatan sa mga nasabing barangay na sinalanta ng bagyong Odette noong Disyembre 2021.
Maliban sa PYAC ay may iba pang programang pangkalikasan ang Pamahalaang Panglungsod tulad na lamang ng ‘Love Affair with Nature’ at ‘Balayong Tree Planting and Nurturing Festival’. (OCJ/PIA MIMAROPA)