No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Sapat na food suplay sigurado sa Rehiyon Uno

Sa kabila ng krisis sa kalusugan at produktong petrolyo na kinahaharap hindi lamang ng Pilipinas kundi sa ibang panig ng mundo, masayahang ibinalita kamakailan ng Kagawaran ng Agrikultura na nananatiling sapat ang suplay ng pagkain sa Rehiyon Uno.


Sa isang panayam ay binigyang-diin pa ni Regional Director Nestor Domenden na “higit pa sa sapat” ang suplay na mayroon sa rehiyon para sa mga naninirahan dito.


Aniya, ang magandang balitang ito ay utang sa mga masisipag na mga Ilocano at Pangisinense na walang humpay sa pagpapayabong sa sektor ng agrikultura, sa larangan man ng pagsasaka o maging sa pangisdaan.


“Napakaswerte natin dahil sadyang masisipag ang mga tao sa lokalidad kaya’t hindi natin problema ngayon ang suplay ng pagkain sa gitna man ng kabilaang krisis,” ani Domenden.


Bukod pa rito ay pinagpala rin ang rehiyon sa matabang lupain kaya mainam pagtamnan, gayundin ang mga ilog at karagatan na talaga namang sagana sa biyaya.


“Dahil nga mataba ang lupa, madalas maski itapon mo lang ang buto ng gulay o prutas ay tutubo na agad kahit hindi mo sadyaing itanim,” paliwanag ni Domenden.


Kaya kung ang hanap mo ay maraming uri ng mga sariwang prutas, gulay, karne, at isda? Hindi naman kaya’y iba’t-ibang klase ng bigas? Lahat ng iyan ay tiyak iyong matatagpuan sa rehiyon at mapapasabi ka nalang ng pamosong linya ng Kagawaran ng Turismo na, “I found the one in Region 1!”


Gayunpaman, sobra-sobra man ang suplay sa rehiyon, nagbigay paalala si Domenden sa publiko na huwag pa ring sayangin ang bawat butil ng pagkain dahil maaari nating ibahagi ang hindi natin makokonsumo sa ating mga kababayang kinakapos at kulang sa pagkain.


Sa kabilang dako ay patuloy naman ang kagawaran at iba pang ahensiya ng gobyerno sa pagpapaabot ng tulong  sa mga magsasaka at mangingisda upang mas lalo pang mapalakas ang sektor ng agrikultura sa rehiyon. (JCR/JPD/CGC, PIA Region 1)


About the Author

Caren Grace Cabanayan

Writer

Region 1

Feedback / Comment

Get in touch