Sa isang tulad ni Nana Ising na may katandaan na at marami na ring sakit na iniinda tulad ng arthritis, isang problema ang pagpunta sa mga ospital para sa pagsusuri ng kanyang kalusugan tulad ng x-ray at laboratory tests.
Kaya naman, laking pasasalamat niya sa pagkakaroon ng Super Health Center (SHC) sa kanyang mismong bayan sa Sta. Praxedes dahil isang sakayan lang ay naroon na siya sa pagamutan.
Ito ang kauna-unahang SHC na binuksan sa lalawigan ng Cagayan kung saan mismong si Senator Lawrence Christopher “Bong” Go ang nagpasinaya.

KANLUNGAN. Ang bagong gawang SHC na magsisilbing kanlungan ng mga mahihirap na may karamdaman.
Pahayag ni Mayor Esterlina Aguinaldo ng Sta. Praxedes, tinutukan niya ng husto ang pagpapagawa ng SHC sapagkat malayo sa malalaking ospital ang kanyang bayan at laking pasasalamat niya sa pamunuan ni Sen. Bong Go at sa Department of Health (DOH) Regional Office 2 sa pagbibigay prayoridad sa proyekto.
Ngayon ay maaari nang magpakonsulta si Nana Ising dito dahil marami na itong sakop na serbisyo at mga equipment na maaaring magamit.
Para sa isang bayang malayo sa Lungsod ng Tuguegarao kung saan matatagpuan ang Cagayan Valley Medical Center at iba pang malalaking ospital, napakalaking bagay para sa mayor na mas pinalawak na ang serbisyong pang kalusugan para sa kanyang mga kababayan dagdag pa ang katipiran sa oras at gastos.
Kung sa lungsod pa dadalhin ang isang maysakit ay aabutin ng tatlo hanggang apat na oras ang biyahe mula sa nsabing bayan kaya malaking kaginhawaan para sa pasyente ang pagkakaroon ng mas malapit na ospital.
“Awang-awa ako sa mga kababayan kong kailangn pang maglakbay ng ilang oras upang pumunta sa mga malalaking ospital para lang magpakonsulta pero wala naman akong magawa kung kaya’t napakalaking bagay na matapos agad ang ating SHC,” ani Mayor Aguinaldo.
Ang pagpapatayo sa SHC ayon naman kay DOH 2 Assistant Regional Director Mar Wynn Bello ay sakop ng Health Facilities Enhancement Program ng kagawaran.
Maliban kasi na naunang natapos ang SHC sa kanyang bayan ay apat lang sa lalawigan ang may SHC tulad ng
Penablanca, Buguey at Lal-lo kung saan kasalukuyang pinapatayo.
Mariin naman ang bilin ni Sen. Bong Go kay Mayor Aguinaldo na huwag na huwag niya sanang papabayaan ang mga kababayang higit na nangangailangan dahil sila ang dapat bigyan ng serbisyo.
Ayon pa sa senador, mananatiling bukas ang kanyang tanggapan para sa mga taga probinsiyang nangangailangan ng tulong medikal lalo na kung sila ay may mga sakit sa puso at kailangang pumunta sa Philippine Heart Center para sa mas malalimang gamutan kung kaya’t maging mga gastusin at pamasahe pagpunta at pagbalik ay sasagutin din ng kanyang tanggapan.
Bagamat malaking bagay na ang pakakaroon ng SHC sa pinakadulong bayan ng Cagayan, muli pang humingi ng pabor si Mayor Aguinaldo sa hangad na gawing infirmary hospital ang kategorya ng SHC na agad naman itong isinangguni sa DOH.
Sagot naman ng DOH, karagdagang doktor at nurses na lamang ang kailangan at puwede nang maging infirmary hospital ang kanilang SHC.
Ayon pa kay Sen. Bong Go, chairperson ng Senate Committee on Health, higit na marami pang SHC ang ipapatayo ngayong taon sa mga malalayong lugar bilang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. Para sa dekalidad na serbisyong pangkalusugan para sa bawat Pilipino. (OTB/GVB/PIA-2)