LEGAZPI CITY (PIA) — Itinampok ng coffeepreneurs mula sa iba’t ibang bayan ng Albay ang kanilang abot-kaya ngunit dekalidad at nakatatakam na mga produkto at serbisyo sa Coffee Festival na pinangunahan ng SM City Legazpi.
Layunin ng coffee festival na mabigyan ng pagkakataon ang maliit na mga negosyante ng kape na ipakita at makilala ang kanilang produkto.
Ayon kay JV Olayta, 25 taong gulang, may-ari ng kape sa harong at mula sa bayan ng Guinobatan, nagsimula ang kanyang negosyo sa kalagitnaan ng pandemya taong 2020.
‘’Before, I was a barista for a local coffee shop, nag-pandemic naisipan ko na mag-resign that time iyon na ang nag-urge saakin na why not pursue doing pop up coffee, nag start ako noon sa bahay kaya ang pangalan ng brand ko is kape sa harong,’’ saad ni Olayta.
Ani Olayta, sumubok din siya na mag pop-up sa Puro Boulevard sa Legazpi City at Camalig bypass road.
‘’Doon ako nag-start na magkaroon ng coffee tricy cart and coffee van,’’ dagdag pa ni Olayta.
KATAS NG PAGSISIKAP | Inihahanda ni JV Olayta, 25, may-ari ng Kape sa Harong ang may pinaghalong pait ng kape, gatas at iba pang sangkap na kaniyang orihinal na recipe sa Coffee Festival ng SM City Legazpi nitong Hulyo 7, 2023.
Aniya, napaka-laking oportunidad ang makatanggap ng suporta mula sa SM City Legazpi para sa kanilang maliit na negosyo lalo na sa lokal na magsasaka ng kape.
Mula nang buksan sa publiko ang coffee fest nitong ika-1 hanggang ika-7 ng Hulyo, masaya si Olayta dahil mataas ang kaniyang kita sa isinagawang aktibidad.
‘’Yung revenue naman is around five-digits naman…at more than double ang balik mula sa initial investment,’’ saad ni Olayta.