No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Ano nga ba ang El Niño?

(Photo credit: Philippine News Agency) 

Usap-usapan ngayon sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang tungkol sa weather phenomenon na El Niño. Maraming bansa ang kasalukuyang naghahanda sa mga maaaring epekto nito, kabilang na ang United States of America, Australia, Africa, at ilang bansa sa Asya kabilang na ang Pilipinas.

Kung madalas kang manood o magbasa ng balita, marahil ay nakita at narinig mo ang abiso ng pamahalaan na magtipid ng tubig bilang paghahanda rito.

Ngunit, ano nga ba ang El Niño?

Ang El Niño ay isang weather phenomenon na mula sa Pacific Ocean na maaaring makapagpabago ng temperatura at klima sa kalupaan.

Ang El Niño ay ang pag init ng temperatura ng tubig sa Pacific Ocean kaysa sa karaniwan nitong temperatura. Upang mas maintindihan, isipin na lang natin na ang Pacific Ocean na may sukat na 165 million km2 ay nahahati sa tatlong bahagi: ang eastern, western at central Pacific regions.

Sa normal na taon sa Pacific Ocean, ang trade winds o ang hangin dito ay humahampas westward na nagdadala sa mainit na tubig mula South America patungong Asia. Upang mapunan ang nawawalang tubig sa South America, tumataas ang tubig nito mula sa ilalim, na karaniwan ay malamig.

Kaya’t normal na matatagpuan ang warm water sa western region ng dagat, at malamig na tubig naman ang namamalagi sa eastern.

Ngunit sa panahon ng El Niño, humihina o nagbabago ang hampas ng trade winds na nagreresulta sa pagkalat ng mainit na tubig sa central at easter region.

Ang phenomenon na ito ay nangyayari sa loob ng dalawa hanggang pitong taon at maaaring magtagal ng siyam na buwan hanggang dalawang taon.

Ngayong 2023, muli itong nagbabalik at inaasahang magtatagal hanggang taong 2024.

Bakit kailangang magtipid ng tubig?

Isa sa mga epekto ng El Niño ang pagbaba ng bilang ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa kabilang na ang National Capital Region. Ito ay nagreresulta sa kakulangan ng tubig ulan na napupunta sa mga dam.

Ang dam ay isang barrier na umiipon ng tubig ulan na ginagamit bilang potable at irrigation water.

Ang nagbibigay ng tubig sa higit kumulang 90 porsiyento ng residente sa Metro Manila ay ang Angat Dam. Sa kasalukuyan, ang water level ng nasabing dam ay naglalaro sa 177 hanggang 178 meters, malayo sa 180 meters na minimum operating level nito.

Noong nakaraang lingo naglabas ang Department of Environment and Natural Resources ng Bulletin No. 1 at 2 na naglalahad ng paunang alituntunin bilang tugon sa epekto ng nasabing weather phenomenon.

Ayon sa Bulletin No. 1, ang lahat ng government agencies ay inaatasang magtipid ng tubig sa kaniya-kaniya nitong gusali at siguruhing walang water leakage ang mga ito.

Ang Bulletin No. 2 naman ay para sa mga barangay officials, at managers ng condominium at hotels upang abisuhan ang mga residente sa kanilang sinasakupan na magtipid din ng tubig.

Kamakailan lang, bumuo ang pamahalaan ng National El Niño Team upang tugunan ang nasabing climate phenomenon at inaasahang maglalahad ng short, medium at long term solutions para rito.

Ang El Niño ay isang klase lamang ng panahon. Ito ay dumarating at lumilipas din. Ngunit ang kooperasyon ng bawat isa ay lubos na kalugo-lugod para sa kapakanan ng nakararami.

Upang makibahagi at mas maunawaan ang mga hakbang ng pamahalaan para mapagaan ang epekto ng El Niño, sundan lamang ang Philippine Information Agency – NCR Facebook page: https://web.facebook.com/PIAMetroManila.  (PIA-NCR)

About the Author

Jumalynne Doctolero

Information Officer

NCR

Feedback / Comment

Get in touch