No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Lumang tirahan ng gobernador sa Palawan, gagawing museo

Inaasahang bubuksan sa publiko bago matapos ang taong 2023 ang lumang tirahan ng gobernador sa Palawan, ang Old Governor’s Residence matapos na maisaayos ito.

Ayon sa impormasyong ibinahagi ng Provincial Information Office ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, gagawin na itong isang museo na maaaring pasyalan ng mga mamamayan, gayundin ng mga turistang bibisita sa lalawigan.

Magiging tampok dito ang kasaysayan at ang kahalagahan ng apat na raang (400) taon ng Kristiyanismo sa Palawan.

Sa unang State of the Province Address (SOPA) ni Gob. Victorino Dennis M. Socrates noong Oktubre 2022, sinabi niya na ang planong pagpapanumbalik ng makasaysayang Old Governor's Residence ay may layuning maitaguyod ang "sense of history" dahil bahagi ito ng kasaysayan at upang maisulong ang kultura at turismo ng lalawigan gayundin ang pagpapatibay ng pagkakaisa ng sambayanang Palaweño.

Magiging bahagi rin ito ng Historical Tourism Bubble kasama ng Immaculate Concepcion Cathedral, Plaza Cuartel, Rizal Park, Eulalia Park at iba pang makasaysayang lugar sa Lungsod ng Puerto Princesa.

Ang Phase 1 ng proyekto para sa pagsasaayos ng Old Governor’s Residence na nagkakahalaga P7.9 milyon ay sinimulan na noong nakaraang buwan ng Hunyo 2023. Nakaplano na rin ang pagpapaganda ng landscape at pagpapatayo ng isang coffee shop sa compound nito para sa mga bibisitang turista.

Ang Governor’s Residence na matatagpuan sa Brgy. Matiyaga sa lungsod ng Puerto Princesa ang nagsilbing tirahan ng pamilya ng mga naging gobernador ng lalawigan ng Palawan, at isa sa mga tumira rito si Gov. Socrates mula 1968 hanggang 1986 kung saan ang kanyang amang si Salvador ‘Badong’ P. Socrates ang noo’y gobernador ng lalawigan. (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)

Ganito na ang magiging anyo ng Old Governor's Residence kapag natapos na ang pagsasaayos nito. (Larawan mula sa PIO-Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch