No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Diving Capital Campaign, handa ng ilunsad sa Puerto Galera

Isa sa ipinagmamalaki sa lalawigan ang bayan ng Puerto Galera na kilala bilang ‘Diving Capital’ ng Pilipinas dahil sa angking ganda at mga yamang dagat na makikita sa ilalim ng karagatan nito kung kaya hinihikayat ni Mayor Rocky Ilagan ang mga lokal at dayuhang maninisid na magkaisa sa nalalapit na paglulunsad ng Diving Capital Campaign upang mas lalo pang maipakilala ang nangungunang destinasyon ng sisiran sa bansa.

Ipinaliwanag ng alkalde kung bakit ang Puerto Galera ang may hawak na titulo na diving capital. Una, ito ay katabi ng pamosong Verde Island Passage na kilala sa buong mundo bilang ‘Marine Shorefish Biodiversity’ na itinatanghal ng mga maninisid dahil sa mga pagkakataon at para siyasatin sa ilalim ang mga kamangha-manghang yaman nito.

Ikalawa, matatagpuan din sa nasabing bayan ang 40 world-class diving sites na kung saan magkakalapit ang mga ito sa mga lugar na maaring sumisid at maginhawang makakalangoy upang makita at maramdaman ang magagandang tanawin sa ilalim ng karagatan.

Sinabi pa ni Ilagan, “Malalim ang koneksiyon ng Puerto Galera sa mundo ng maninisid dahil kasama rin ito sa 62 dive shops na kabilang sa mga pangunahing organisasyon na nag-aambag sa kultura ng mga maninisid. Idagdag pa natin dito ang lapit ng lugar sa Metro Manila na madali ring puntahan.”

Samantala, ngayong darating na Oktubre 5, kasabay ng sekebrasyon ng Sabang Octoberfest 2023, sisimulan na ang Diving Capital Campaign na pangungunahan ng lokal na pamahalaan. Pinagpaplanuhan dito ang pagsasagawa ng clean-up drive sa mga baybayin at sa ilalim ng karagatan, pagtatayo ng diving bazaar, at ang opisyal na pagdiriwang ng kampanya na tatampukan ng mga palabas sa entablado, fireworks at ang pagpapahayag sa simbolo ng Diving Capital logo na sumasagisag sa Puerto Galera sa hindi matatawarang pangako at tungkulin bilang kabisera ng mga maninisid.

Ipinagbubunyi sa buong mundo ang Puerto Galera dahil kabilang ito sa kauna-unahang United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) Man and Biosphere Reserve sa Pilipinas mula pa noong 1976 at kilala rin bilang may pinakamagandang look sa mundo. (DN/PIA Mimaropa-OrMin)


Larawan sa itaas mula sa Puerto Galera at DOT FB Pages

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch