HULYO 2020
Isang mensahe mula sa isang indibidwal ang natanggap ni Jessica. Hindi maipinta ang kagalakan dahil sa wakas, muli nitong makikita at makakausap ang kanyang kapatid na si Brenda na huli niyang nasilayan taong 2019.
Walang pag-aatubili na nagtungo sa lugar kung saan sila magtatagpo. Medyo malayo sa kanilang bahay at “Sitio Curva” kung tawagin nila.
Ang pagnanais na gustong yakapin ang kanyang kapatid ay sumisidhi sa mga oras na iyon pero sa parehas na oras din na iyon kung kailan muling nagtama ang kanilang mga mata, hindi nagawang yakapin ni Brenda si Jessica, bagkus, isang maliit na papel ang iniabot nito sa kanya. Kung ano man ang laman, hindi pa tiyak sa mga puntong iyon dahil sa loob ng ilang segundo, nawala na muli sa kanyang paningin ang kanyang minamahal na kapatid.
PEBRERO 2019
Lumaki si Brenda sa piling ng kanyang mga magulang na sina Anna at Roger kasama ang kanyang mga nakababatang mga kapatid na sina Aiza, Jessica, Joana at Anthony. Katulad ng ibang mga katutubong Agay o mas kilala sa tawag na Agta, normal lang noon ang kanilang pamumuhay. Nakikisaka ang kanilang mga magulang at nagbebenta nang kung ano-ano base sa nakukuha nila sa bundok. Hindi katulad ng ibang Agay, si Brenda at ang kanyang mga kapatid ay nag-aaral dahil gusto nilang pamarisan sila ng iba nilang kasamang katutubo.
Maging isang guro. Ito ang pangarap ni Brenda para sa kanyang sarili bilang panganay na anak. Suportado naman siya ng kanyang mga magulang lalong-lalo na ang kanyang Nanay Ana.
“Nu anya kayat na idi Sir ket tultulunganmi latta isuna Sir. hannak nakaadal Sir isunga kayatku nga makabasa da met [Kung ano ang gusto niya noon Sir ay tinutulungan namin siya. Hindi ako nakapag-aral sir kaya gustong-gusto ko na makapagtapos din sila],” kwento ni Nanay Ana.
Pero ang pangarap na iyon ay naglaho sa isang iglap.
Pebrero taong 2019. Hinding-hindi malilimutan nina Nanay Ana at Jessica ang araw na iyon nang nagpaalam si Brenda at isa pa niyang kapatid na si Aiza na aalis muna at makikipag-ani ng palay sa ibang barangay. Tiwala sa mga binanggit ng mga anak, pinayagan niya ito pero walang mag-aakala na ang pag-uusap na iyon ay ang huling pagkakataon na makakasama nang buhay nina Nanay Ana at Jessica ang kanyang kapatid na si Brenda.
ENERO 2020
Enero taong 2020 nang mas naintindihan ng pamilya ni Brenda alyas Michelle na sumapi na pala ito sa teroristang grupong CPP-NPA-NDF. Nalaman nila ito sa tulong din ng mga nagpakilalang mga miyembro ng NPA sa kanilang pamilya na nagsabi sa kanila noon na “huwag mag-alala dahil nasa mabuti silang kalagayan at tutulungan silang maging maganda ang antas ng kanilang buhay”.
Pinanghawakan nila ang mga salita ng mga miyembro ng CPP-NPA-NDF.
Kwento pa ni Jessica na dalawang beses din dumalaw ang nangngangalang ‘Ka Simoy ‘sa kanilang bahay sampu ng iba pang armadong mga indibidwal upang humingi ng bigas at iba pang suplay ng pagkain. Bagama’t sa unang pagkakataon ay binayaran umano ng NPA ang kanilang kinuha, sa pangalawang pagkakataon ay literal na hiningi na lamang ito kina Nanay Ana.
Taga-panayam: Alam niyong NPA sila. Bakit hindi niyo sila isinumbong?
Jessica: Mabuteng kami Sir ta adda paltugda. [Natatakot kami Sir kasi may mga baril sila.]
Pagkakuha ng mga pagkain ay agad ding lumilisan ang grupo ni Ka Simoy. Yun na rin ang huling pagkakataon na makita ni Jessica nang personal si Ka Simoy.
SETYEMBRE 2023
Matagumpay na natunton at narekober ng pinagsanib na pwersa ng 17th Infantry Battalion, sa ilalim ng 502nd Infantry Brigade at kapulisan ang labi ng isang babaeng kasapi ng CPP-NPA nitong ika-12 ng Setyembre taong kasalukuyan.
Kinilala ang amasonang NPA na si Brenda Antonio alyas Michelle isang Agta at residente ng Brgy Peru, Lasam, Cagayan. Batay sa testimonya ng dating kasamahan, namatay si alyas Michelle nang madaganan ng puno sa kasagsagan ng bagyo sa Rizal, Cagayan. Iniwan umano ang mga labi nito at pinabayaan ng mga kasamang miyembro ng Komiteng Probinsya Cagayan sa ilalim Komiteng Rehiyon Cagayan Valley.
Sa tulong ng mga impormasyon na ibinahagi ng dating kasamahan, agad na gumawa ng hakbang ang kasundaluhan at kapulisan na nagresulta sa matagumpay pagkakadiskubre at pagkakarekober sa labi ni alyas Michelle. Kabilang din sa nahukay ang isang M16 Rifle at mga bala.
Si alyas Michelle ay dalawang taong naging kasapi ng Bagong Hukbong Bayan matapos siyang piliting sumampa sa armadong grupo ng Partido Kumunista ng Pilipinas kapalit ang pangakong magandang buhay. Ngunit ang dalawang taon na ito ay nawaglit sa isang iglap matapos siyang pabayaan.
Ayon kay Lt. Col. Oliver C. Logan, commanding officer ng 17IB, ang senaryong ito ay patunay na hindi binibigyan ng kilusan ang halaga ng pagkatao ng kanilang mga kasamahan.
Dagdag pa ni Col Logan, dagdag ito sa mahabang listahan ng paglabag sa karapatang pantao ng mga komunistang grupo.
Samantala, nanawagan naman si BGen. Eugene Mata, commander ng 502nd Infantry Brigade, sa mga natitirang miyembro ng NPA na talikuran na ang huwad na prinsipiyong komunismo at magbalik-loob na sa pamahalaan para wala nang matutulad pa sa nangyari kay alyas Michelle.
“Hinihikayat ko ang mga nalalabi pang mga kasapi ng teroristang grupo sa Cagayan na magising na sa katotohan at bitawan ang panlilinlang ng kilusan” dagdag ng Heneral. Siniguro pa ng Heneral na bukas ang pamahalaan sa mga natitira pang miyembro ng CPP-NPA na magbalik-loob na at tamasahin ang biyaya at pribelehiyo na nakapaloob sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng gobyerno," aniya.
Samantala, hindi makalilimutan ni Jessica, kapatid ni Brenda Antonio alyas Michelle, na isang sulat na naglalaman ng kagustuhan na nitong tumakas at muling makasama ang kanyang pamilya ang ibinigay nito sa huli nilang pagkikita.
Ayon sa kwento ni Jessica sa unang araw ng burol ng kanyang kapatid, nakipagkita umano si alyas Michelle sa kanya noong Hulyo 2020 para iabot ang isang sulat at nagmamadali itong umalis pagkaabot sa kanya.
Dinala ito ni Jessica sa kanilang bahay sa barangay Peru sa Lasam, Cagayan upang doon na lang basahin at ipaalam din sa kanyang nanay at iba pang mga kapatid.
Sa sulat ni alyas Michelle, sinabi nito na gustong-gusto na niyang umuwi sa kanila ngunit nakasaad din sa sulat na ayaw siyang payagan ng kanilang kumander na nagngangalang Ka Simoy kaya walang itong magawa.
“Kayat na kuma kanu agawiden Sir ta marigatanen [Gusto na sana nila umuwi sir dahil nahihirapan na raw siya.],” kwento ni alyas Michelle.
Kwento pa ni Jessica na nakasaad din sa sulat na nahihirapan na raw ito sa bundok dahil sa hindi sapat ang kanilang kinakain.
“Kas maysa nga ina Sir, nagsakit ti nangyari ti anakku [Bilang isang ina sir ay masakit ang nangyari sa anak ko.],” emosyonal na paglalahad ni Nanay Ana.
Sa mga oras na iyon, nakatitig lamang si Nanay Ana sa kabaong ng kanyang anak, tahimik at nangingibabaw ang pangungulila sa kanyang panganay na si Brenda.
Sa ngayon, nawala man ang pisikal na sulat na binabanggit ni Jessica kung saan nakalagay ang mensahe ni alyas Michelle, nakatitiyak ito na ang bawat salita na nakaukit sa maliit na papel ay nananitili sa kanyang puso at habang-buhay na babaunin niya.
Sa ngayon, nagdadalamhati man si Jessica kasama ang kanyang pamilya sa pagkawala ni Brenda, ay nagagalak pa rin ito dahil nabigyan sila ng pagkakataon ng makasama muli ito sa tulong ng 17th Infantry Battalion at Cagayan Police Provincial Office, upang mabigyan ng disenteng burol at libing si Brenda.
Sa ngayon, pawang kasuklaman ang nararamdaman nito sa mga miyembro ng CPP-NPA-NDF na dating nakasama ng kanyang kapatid dahil sa panlilinlang nila sa kanya na naging sanhi ng pagkamatay ng kanyang kapatid.
Sa ngayon, iisa ang pananlangin ni Jessica na sana wala nang isa pang Ate Brenda niya, isang Agay o kahit sinumang indibidwal partikular ang kapwa niya mga kabataan, na maloko ng maling ideolohiya ng CPP-NPA-NDF.
Sa ngayon, aalalahanin ni Jessica ang mga masasayang araw na kasama niya ang kanyang kapatid.
At sa ngayon, pipiliin niya na muling mag-abot ng panibagong papel sa kanyang mga magulang . Hindi isang papel na ang mensahe ay pagpapahiwatig ng pagnanais na makawala sa maalipustang kamay ng CPP-NPA-NDF, kundi isang papel kung saan nakasulat ang pagnanais nitong ipagpatuloy ang naiwang pangarap ng Brenda na maging isang guro.
Dahil bukas at sa mga susunod na araw, ipinapangako ni Jessica, na wala nang iba pang Agay na malilinlang sa kamay ng teroristang grupong CPP-NPA-NPA dahil nariyan siya para gabayan ang kapwa niya kabataang Agay.
“Agadal nak nalaing Sir para ti pamilyak [Mag-aaral akong mabuti para sa aking pamilya Sir.],” pagtatapos niya.
AT PARA SA MGA SUSUNOD PANG ARAW.