LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Pormal nang idineklara sa isinagawang soft launching bilang ‘Diving Capital of the Philippines’ ang bayan ng Puerto Galera sa pamamagitan ng paglunsad ng programang ‘Puerto Galera Shore It Up-Scubasura Underwater Clean Up’ na nilahukan ng mga opisyales ng lokal na pamahalaan at ng Barangay Sabang noong Oktubre 5.
Nakibahagi sa nasabing aktibidad si Mayor Rocky Ilagan na kung saan kasama siyang sumisid sa ilalim ng dagat at ilang grupo ng mga manlalangoy para bisitahin at linisin ang karagatan na mayaman sa iba’t ibang uri ng isda at magagandang coral formation.
Sinabi ni Mayor Ilagan, “Ang gawaing ito ay aming prayoridad bilang pagpapahalaga sa turismo at kalikasan upang mas lalo pang makaakit ang mga dayuhan, lokal man o mula sa ibang bansa na bisitahin ang aming lugar na ngayo'y tinaguriang Diving Capital of the Philippines.”
Ang Puerto Galera ay kilala bilang ‘Unique Marine Biodiversity’ kung saan mayroong 62 registered diving sites at kabilang sa 32 world-class dive sites sa mundo. Pinanatili din nito ang mga likas na yaman at binigyang diin din ang estado nito bilang United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) Man and Biosphere Reserve mula pa noong 1976 at kinilala ang Puerto Galera Bay noong 2005 bilang ‘most beautiful bays in the world.’
Ang nasabing paglunsad ay bahagi ng pagdiriwang ng Sabang Oktoberfest 2023 na nagsimula noong Setyembre 28 at magtatapos sa Oktubre 8. (DPCN/PIA Mimaropa - Oriental Mindoro)