No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pulis at pamayanan

PNP-2 nagsagawa ng community immersion sa Brgy. San Antonio, Enrile, Cagayan

Naghandog kamakailan ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno ng sari-saring tulong sa mga residente ng Brgy. San Antonio, Enrile, Cagayan sa Serbisyo Caravan na pinangunahan ng Police Community Affairs Development Course (PCADC) - Class 2023 ng PNP-Regional Office 2 (PRO-2).

Bahagi ang PCADC sa katungkulan ng kapulisan na makiisa at makipagtulungan sa mga pamayanan upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan, na kung saan ay maaaring magsagawa ang PNP ng mga aktibidad upang makatulong na mapaunlad ang mga tukoy na mga baranggay, halimbawa, sa pamamagitan ng integration.

Para sa mga pulis na kasapi sa PCADC ngayong 2023, ang bunga ng kanilang community integration sa San Antonio, isang baranggay sa Enrile, Cagayan na may kalayuan sa poblasyon, ay mga rekomendasyon upang mapabuti ang kanilang imprastraktura at social services.

Ayon sa kanilang report, natukoy ang kawalan ng street lights at isang water system na patuloy na magdadala ng tubig sa nasabing baranggay, lalo na sa isang sitio nito. Bukod pa dito, natukoy rin ang kakulangan ng mga medisina at ilang mga bata na nakakaranas ng malnutrisyon. 

Tumatanggap ang isang estudyante mula sa San Antonio, Enrile, Cagayan ng mga school supply and health kit mula sa Police Community Affairs Development Course - Class 2023 ng PNP-Regional Office 2 sa Serbisyo Caravan na ginanap sa nasabing baranggay kamakailan. (Imahe ng PIA-2)

Iminungkahi rin ng Class 2023 ang pagsasaayos ng farm-to-market road ng pamayanan at agad na pagkakaroon ng isang barangay patrol vehicle na maaaring magamit tuwing may emergency o sakuna.

Nag-aabot ng mga DSWD Family Food Pack ang mga representante ng mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahaalan sa mga residente ng San Antonio, Enrile, Cagayan sa Serbisyo Caravan na ginanap doon. (Imahe ng PIA-2)

Ang report na ito ay opisyal na ipinresenta sa isang Serbisyo Caravan na siyang inorganisa ng PCADC - Class 2023 bilang culminating activity ng kanilang community immersion sa San Antonio.

Inihalintulad ito sa Serbisyo Caravan na pinapangunahan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na naglalayong ihatid sa malalayong baranggay ang mga programa at serbisyo ng gobyerno. 

Sa Serbisyo Caravan na ginanap sa nasabing baranggay, katuwang ng PRO-2 ang lokal na pamahalaan ng Enrile, pamahalaang panlalawigan ng Cagayan, Philippine Army, Cagayan Valley Medical Center, Department of the Interior and Local Government, Department of Science and Technology, National Intelligence Coordinating Agency, at Philippine Information Agency. 

Nag-abot ang kapulisan ng mga school supplies at tsinelas para sa mga kabataan ng San Antonio, habang ang kasundaluhan ng Philippine Army ay nagbigay ng libreng gupit at ang mga health worker naman ng Cagayan Valley Medical Center ay naghandog ng libreng tuli.

Nakatanggap rin ng Family Food Packs ang mga residente mula sa Department of Social Welfare and Development, health kits mula sa Department of Health, bigas mula sa pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, at isang solar dryer mula sa Department of Science and Technology.

Bukod rito, ipinakilala rin ng mga representante ng DOST at Department of the Interior and Local Government ang kanilang sari-saring programa na maaaring pakinabangan ng mga mamamayan para sa kanilang kabuhayan. 

Samantala, nagsagawa rin ang National Intelligence Coordinating Agency ng lecture tungkol sa masasamang epekto ng impluwensya ng mga komunistang teroristang grupo katulad ng New People’s Army. 

Katuwang ng mga ahensya ang lokal na pamahalaan ng Enrile na nagsagawa naman ng libreng pakain sa mga dumalo sa aktibidad.

Ipinapakita ng mga kabataan ng San Antonio, Enrile, Cagayan ang mga libreng tsinelas ba natanggap nila mula sa Police Community Affairs Development Course - Class 2023 ng PNP-Regional Office 2 sa Serbisyo Caravan na ginanap sa kanilang baranggay. (Imahe ng PIA-2)

Nitong nakaraan, nagsagawa na rin ang TESDA ng livelihood training sa baranggay  kung saan 20 na residente ang nakinabang.

Ang programa na ito ng kapulisan sa Cagayan ay sinabayan ng magkakatulad na mga aktibidad sa ibang bahagi ng Rehiyon Dos. Ang tuloy-tuloy na pagpapatibay ng pakikipag-ugnayan at pagtutulungan ng mga uniformed personnel at mga sibilyan sa kanayunan ay isang sagisag ng layunin ng pamahalaan na walang maiiwan pagdating sa kaunlaran. (JKC/PIA Region 2)

About the Author

Jan Karl Coballes

Regional Editor; Research and Development Officer; Tuguegarao City Information Center Manager

Region 2

Ibanag. Writer. Researcher. Ethnographer. Ethno-historian. Graduate student focusing on linguistic and cultural anthropology.

Feedback / Comment

Get in touch