Isang ambulant vendor na may kapansanan o Person with Disability (PWD) ang umiikot sa ilang bayan sa lalawigan ng Oriental Mindoro sakay ng kanyang wheelchair upang maghanap-buhay.
Isang taong nangarap na magkaroon ng isang sasakyang de motor o electric bike upang maibenta ang mga tindang lobo.
Si Aristeo G. Maliglig, 39, mula sa Barangay Ma. Concepcion sa bayan ng Socorro na may kapansanan sa kanyang mga paa ay dumaan sa matinding hamon at kailangang itaguyod ang kanyang sarili para mabuhay kung kaya naisip niyang magtinda ng lobo at mapalago ang kanyang maliit na kabuhayan.
Dahil dito, napansin ng Department of Labor and Employment (DOLE) at agad na dumaan sa proseso si Maliglig upang maging benepisyaryo ng Integrated Livelihood Program (DILP) ng ahensya.
Pinangunahan ni DOLE Mimaropa Regional Director Naomi Lyn C. Abellana at Senior Labor and Employment Officer Ramezes R. Torres, Livelihood Focal Person ng DOLE Oriental Mindoro Provincial Office, ang pagbibigay ng e-bike kay Maliglig at agad din pinayuhan na ingatan at pagbutihin ang paggamit ng nasabing sasakyan upang lalo pang mapaunlad ang munting negosyo.
Dahil sa tulong ng DOLE, hindi na kailangan pang gumamit ng wheelchair ni Maliglig at hindi na rin siya mauulanan o mainitan at ito rin ang magsisilbing mga paa at kanlungan niya sa kaniyang pagtitinda. Mas madali at ligtas pa siyang makakapunta sa mga matataong lugar na kung saan maaari niyang mailako ang kaniyang mga panindang lobo.
Samantala, nagpaabot ng pasasalamat si Maliglig sa pamunuan ng DOLE, “Maraming salamat po sa ipinagkaloob niyo sa akin. Mas maalwan na po ang aking pagtitinda. Hindi na po ako mahihirapan sa paggamit ng wheelchair.”
Ang DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) ay isa lamang sa mga programa ng kagawaran na naglalayong matulungan ang mga namumuhunan sa impormal na sektor na walang sapat na kinikita. Ito ay upang matulungan ang mamamayan na makaahon sa kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng livelihood assistance. (DN/PIA MIMAROPA - Oriental Mindoro)