Ang Paturugan ay isang laro ng mga katutubong TauBuid na sumusukat sa bilis at galing sa pagbalanse ng kahoy ng mga kalahok na katutubo. Ang mga larawan ay mula sa Provincial Tourism Office.
OCCIDENTAL MINDORO (PIA) -- Ang Talukuran, Kalalansoy at Paturugan ay ilan lamang sa mga palaro ng mga katutubo ng Occidental Mindoro na maaaring mapanood sa Arawan Festival ngayong taon.
Kabilang ito sa mga planong aktibidad sa nalalapit na festival na tinalakay sa isinagawang pulong kamakailan ng kinatawan ng panlalawigang tanggapan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), pamahalaang panlalawigan at ilang Indigenous Peoples Mandatory Representatives (IPMR).
Ang Arawatan Festival ay ang higit-isang linggong pagdiriwang ng anibersaryo ng pagkakatatag ng Occidental Mindoro na ginugunita tuwing ika-15 ng Nobyembre. Nagmula ang Arawatan sa salita ng mga katutubong Hanunu’o na ang kahulugan ay Pagkakaisa at Pagtutulungan.
Ayon kay NCIP provincial director Julito Garcia, nais ng kapitolyo na maging mas espesyal ang partisipasyon ng mga katutubo sa selebrasyon ngayong taon. Napagkasunduan aniya na maglaan ng isang buong araw sa mga katutubo upang maibahagi ang kanilang kultura.
“Maraming magandang maipapakita ang ating mga katutubo. Bukod sa makukulay nilang palaro, natatangi rin ang kanilang mga kasuotan, awit, at sayaw,” saad ni Garcia.
Ayon pa kay Garcia, isang magandang hakbang ito ng pamahalaang lokal upang higit na ipadama sa mga katutubo na sila ay mahalagang bahagi ng lipunan.
Makikita sa larawan ang Kadangkadang, isang laro ng mga katutubo na itatampok sa Arawatan Festival 2024.
Hangad ng Pamahalaang Panlalawigan ang mas espesyal na partisipasyon ng mga katutubo sa lalawigan sa Arawatan ngayon taon at napagkasunduan na itanghal ang kanilang mayamang kultura. (PIA/OccMDo)
Ibinahagi ni Garcia ang ilan sa mga palaro na maaaring mapanood sa itatalagang Araw ng mga Katutubo sa Arawatan.
Una na sa mga ito ang Talukuran na isang uri ng palaro ng mga katutubong Iraya na sumusubok sa lakas ng mga kalahok gamit ang isang mahabang kahoy. Ang paglalaro nito ay kabaligtaran ng tug-of war. Kung sa tug-of-war ay hinihila ng dalawang magkatunggaling manlalaro ang tali, sa talukuran naman ay itinutulak ng magkalabang grupo ang kahoy. Bawat koponan ay binubuo ng walo hanggang 10 katutubo.
“Plano rin ng mga katutubo natin na laruin ang Kalalansoy,” ani Garcia. Nanggaling naman sa katutubong Iraya ang Kalalansoy kung saan nagtatagisan naman ng husay sa pagtalon ang mga kasali. Kwento ni Garcia, hahawakan ng mga kalahok ang kanilang hinlalaki sa paa (hallux) saka tatalon sa isang kahoy na nasa kanyang harapan.
“Isang laro mula naman sa pamayanan ng mga TauBuid ay ang Paturugan,” sambit pa ni Garcia. Ito naman ay susubok sa bilis at galing sa pagbalanse ng kahoy ng mga kalahok na katutubo. Binanggit din ni Garcia ang mga palarong Suungan, Tangkudo at Bangyas.
Tampok sa buong maghapon ang mga nabanggit na iba’t ibang palaro at sa dakong gabi naman ay itatanghal ng mga katutubo ang kanilang mga sayaw at awit. Makikita rin ang mga kasuotan ng mga Mangyan sa parada na planong isagawa sa pagbubukas ng Araw ng mga Katutubo.
Umaasa si Garcia na maisakatuparan ang mga nabanggit na plano na sa ngayon ay pinagaaralan pa at mangangailangan ng pondo.
Aniya, hindi lamang magiging magandang panoorin ang aktibidad para sa mga darating at makikiisa sa Arawatan Festival 2024, magsisilbi rin itong makabuluhang karanasan para sa mga katutubo. (VND/PIA MIMAROPA - Occidental Mindoro)