LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) --Nakatakdang humiling si Mayor Beverley Dimacuha ng karagdagang alokasyon ng COVID- 19 vaccines kina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque at COVID-19 Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez.
Sinabi ni City Health Officer Dr. Rosanna Barrion na nasa limang porsiyento pa lamang ng 266,000 target na mga residente na dapat mabakunahan ang nakakatanggap ng bakuna kontra COVID-19.
Sa pinakahuling tala kaugnay ng COVID vaccination, may 12,000 residente pa lamang ang nabigyan ng nasabing bakuna upang makamit ang herd immunity sa lungsod.
Nasa 1,308 na mga medical frontline workers o yaong A1 category at 10,662 senior citizens o kabilang sa A2 priority group ang nabigyan ng unang dose ng bakuna mula sa pamahalaang nasyunal habang nasa 1,000 sa mga ito ay nabigyan na ng 2nd dose ng bakuna.
Binigyang diin ni Dr. Barrion na target ng City Health Office (CHO) na mabakunahan ang may 40,000 senior citizens at target nila na makapagbakuna ng 1,000 residente kada araw.
Inihahanda na rin nila ang pagbabakuna sa A3 priority group o yaong mga may co-morbidities.
Inaasahan namang darating sa 3rd o 4th quarter ng taon ang COVID-19 vaccines na binibili ng pamahalaang lungsod kung saan naglaan ng P200M budget para dito.
Tinitiyak naman ng CHO na maayos ang sistema at implementasyon ng health at safety protocols sa vaccination site. (BMPDC/PIA Batangas at ulat mula sa PIO Batangas City)