LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) --Patuloy ang pagsusulong ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas sa hangaring mapadami ang mga isolation facilities upang matugunan ang pangangailangan ng mga nagpopositibo sa COVID-19.
Sa isinagawang pagpupulong ng Provincial IATF kamakailan, sinabi ni Governor Hermilando Mandanas na nakapokus ang lalawigan sa pagdadagdag ng mga isolation units na dapat ay accredited ng Department of Health(DOH) katuwang ang mga pribadong kumpanya.
“Malaki ang pangangailangan sa karagdagang isolation units sa lalawigan kaya’t hindi tayo tumitigil sa paghanap ng paraan upang makapagdagdag nito. Maging ang mga improvements sa ating 12 District Hospitals ay patuloy na isinasakatuparan hindi lamang sa imprastraktura kundi maging sa pagdaragdag ng mga kagamitan, pagbili ng mga gamot at pagdaragdag ng mga nars at doktor na lubhang kailangan,”ani Mandanas.
Samantala,ibinahagi ni Dr. Robert Magsino ng Mary Mediagtrix Medical Center sa lungsod ng Lipa na palaging puno ang Intensive Care Units (ICU) at COVID beds sa mga pribadong ospital sa lalawigan.
“Karamihan sa mga pasyenteng ating tinatanggap ay may moderate to severe cases at nahihirapan silang makakuha ng kuwarto sa mga pagamutan dahil lagi itong punuan. Karamihan din sa nangyayaring hawahan ay mula sa mga pamilyang may nagpopositibo sa COVID-19,”ani Magsino.
Upang matugunan ang problemang ito, iniulat ni Magsino na nagtayo sila ng konseptong pareho ng One Hospital Command na tinawag nilang Kalingang Bahay. Sa pamamagitan nito,naikipag-ugnayan ang mga doktor sa mga kapamilya ng mga COVID-19 patients upang matugunan ang pangangailangang medikal sa pamamagitan ng online consultations. Mayroon ding slots sa COVID floor ng ospital at waiting list para sa mga kailangang mailagak sa ICU na maaring maabot sa pamamagitan ng telepono o online.
Mataas pa rin ang bilang ng mga nagkakasakit dahil sa COVID-19 virus sa Lalawigan ng Batangas, kaya pinapaalalahanan pa rin ni Gov. DoDo Mandanas, na huwag maging kampante ang mga Batangueño, sa kabila ng pagluwag ng mga quarantine restrictions at patuloy ng vaccination roll-out.
Sinimulan na rin aniya ang pagpapagawa ng Quarantine Hub sa Batangas Provincial Livelihood Center sa Batangas International Port sa Lungsod ng Batangas, na pinag-aaralan ding gawing pansamantalang isolation facility at testing area para sa mga Batangueño upang mabigyan ng agarang solusyon ang kakulangan ng mga pasilidad para sa mga COVID-19 patients. (BMPDC-PIA Batangas)