No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Shell Import Facility Tabangao, pinasinayan

LUNGSOD NG BATANGAS, Hunyo (PIA) --Pinasinayaan ang Shell Import Facility Tabangao (SHIFT) na dating Pilipinas Shell Refinery na pinangunahan ng mga opisyal ng SHIFT at dinaluhan nina Batangas City Mayor Beverley Rose Dimacuha at 5th District Rep. Marvey Marino.

Sinabi ni Cesar Romero, Presidente at CEO ng Pilipinas Shell Petroleum Company (PSPC) na ang dating refinery ay isa na ngayong world-class import terminal.

“Ang pagiging world-class facility ng refinery ay nagpapakita ng hangarin ng Shell na makapagbigay ng  sustainable energy sa bansa sa kabila ng mga pinagdadaanang pagsubok dulot ng pandemya,” sabi ni Romero.

Idinagdag pa niya na mahalaga ang papel na gagampanan ng SHIFT sapagkat ito ang magiging primary supply facility sa rehiyon.

Mula sa dating gawaan ng produkto, ang nasabing pasilidad ang paglalagyan na ngayon ng produkto.

“Shell is here to stay in Tabangao at mananatiling mahalaga ang lugar na ito sa mga susunod na ventures ng PSPC,” pagbibigay diin niya.

Karagdagan ito sa tatlong import facilities ng PSPC at plano pa nilang magbukas sa Subic at sa Northern Mindanao.

Sa kabila ng nangyaring transition, halos walang empleyadong nawalan ng trabaho, maliban sa ilan na nag-volunteer nang magretiro.


Binigyang-diin ni Mayor Dimacuha na sa pamamagitan ng buwis at revenues mula sa Shell ay kinikilala ang lungsod ng Batangas bilang isa sa pinakamakapangyarihang lungsod sa buong bansa.

Sinabi naman ni Cong. Marino na napakahabang panahon na nagkasama ang pamahalaang lungsod at Shell kung kaya’t handa siyang tumulong upang magkaroon ng karagdagang mga access roads na walang truck ban upang magpatuloy ang maayos na daloy ng ekonomiya.

Binigyan ng pamunuan ng Shell ng trophy sina Mayor Dimacuha at Congressman Marvey Marino bilang simbolo ng magandang ugnayan ng naturang kumpanya at ng pamahalaang lungsod.

Samantala, ibinigay ni Tabangao Refinery Operations Manager Andrew Castueras ang isang symbolic sculpture kay incoming Vice President for Training and Supply Kit Bermudez na nagsilbing ceremonial turn-over ng refinery at import terminal.

Pagkatapos ng inagurasyon, isinagawa ang ribbon cutting at tour sa loob ng pasilidad. 

Magugunita na nagsara ang Shell Tabangao noong nakaraang taon dahil sa pandemya na nagdulot ng pangamba hindi lamang sa mga empleyado nito gayundin sa lagay ng ekonomiya ng lungsod. (BMPDC-PIA Batangas/PIO Batangas City)

About the Author

Mamerta De Castro

Writer

Region 4A

Information Officer III at PIA-Batangas

Feedback / Comment

Get in touch