LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Isinusulong ng Social Security System o SSS na mas maraming pensiyonado ang subukang humiram sa Enhanced Pension Loan upang makaiwas ang mga ito sa mga pautang na matataas ang interes.
Ayon kay SSS Baliwag Branch Manager Marites Dalope, target ng sangay na 33 porsyento o 3,055 sa 11,986 na mga pensiyonado ng SSS sa mga bayan ng Plaridel, Pulilan, Baliwag, Bustos, San Rafael, San Ildefonso at San Miguel ang makumbinse na makinabang sa Enhanced Pension Loan.
Sa kasalukuyan, aabot na sa 40.5 milyong piso ang naipapahiram ng SSS Baliwag para sa mga naaprubahang 1,079 na mga pensiyonado.
Ipinaliwanag ni Dalope na kaysa sa mga pribadong nagpapautang na mas matataas ang interes ang tangkilikin, higit na mas mababa ang interes nito na nasa 10 porsyento lamang na walang kailangang kolateral.
Malaki pa aniya ang matitira sa buwanang pensyon kahit na nakahiram sa Enhanced Pension Loan.
Sinumang pensiyonado ng SSS na may edad 60 hanggang 85 ay maaring makahiram sa Enhanced Pension Loan basta’t bayad na o walang anumang pagkakautang sa iba pang loan facility ng SSS.
Hindi rin maari na maging kwalipikado rito ang may existing advance pension sa ilalim ng SSS Calamity Package.
Dapat ding nakakatanggap siya ng regular na pensyon o active ang status sa nakalipas na isang buwan.
Ibabase sa halaga ng basic monthly pension o BMP, kasama ang karagdagang isang libong piso, ang halaga ng maaring maipahiram.
Maaaring mamili ng loan packages ang pensiyonado hanggang halagang 200 libong piso. Ibig sabihin, kabilang sa pamimilian kung tatlong beses, anim na beses, siyam na beses o 12 beses na halaga ng BMP ang nais mahiram.
Ang sistema ng pagbabayad, kung tatlong beses ng laki ng BMP ang hiniram ay pwedeng bayaran hanggang anim na buwan.
Kung anim na beses ng laki ng BMP ay 12 buwan. Hanggang dalawang taon o 24 na buwan naman pwedeng bayaran ang mga nakahiram na siyam o 12 beses ng laki ng BMP.
Magsisimula ang pagbabayad sa ikalawang buwan mula nang matanggap ang hiniram na Enhanced Pension Loan.
Halimbawa kung naaprubahan ng buwan ng Hunyo, magsisimula ang buwanang amortisasyon o pagbabayad sa Agosto.
Sasagutin na ng SSS ang isang porsyentong service fee bilang sabsidiya sa pagbabayad ng premium ng Credit Line Insurance ng isang humihiram na pensiyonado.
Kaugnay nito, umabot na sa 1,859 na mga pensiyonado ng SSS na taga-Calumpit, Hagonoy, Paombong, Malolos at Guiguinto ang nakinabang na sa Enhanced Pension Loan.
Ayon kay Albina Leah Manahan, branch manager ng SSS-Malolos, nakapagpahiram ang SSS sa nasabing mga pensiyonado ng halagang 76.6 milyon piso.
Ito ay halos 14 porsyento lamang ng nasa mahigit 14 libong pensiyonado sa ilalim ng SSS Malolos.
Kaya naman hinikayat ni Manahan ang iba pang pensiyonado na subukan ang murang pautang ng SSS upang makatulong nang lubos sa kani-kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Isang araw lang aniya ang proseso ang aplikasyon para sa Enhanced Pension Loan basta’t maisumite lamang sa portal ng SSS, na nasa www.sss.gov.ph., ang accomplished Pension Loan Application Form na lalakipan ng Social Security Card o ang Unified Multipurpose Identification Card at iba pang government-issued na IDs.
Kapag naaprubahan, maaari nang makuha ang hiniram na pera makalipas ang isang buwan sa Union Bank.
Sakali namang mamatay ang isang pensiyonadong humiram sa Enhanced Pension Loan, hindi na pababayaran sa kaanak ang naiwang utang.
Hindi rin ito kakaltasin sa magiging death at funeral benefits ng namayapang pensiyonado. (CLJD/SFV-PIA 3)