LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna (PIA) --Upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga evacuation centers, bibigyang prayoridad ng Department of Health at Calabarzon Regional Disaster Risk Reduction and Management Council ang pagbabakuna at testing sa mga indibidwal at pamilyang inilikas bunsod ng tumataas na aktibidad ng Bulkang Taal.
Kaugnay nito, nakatakdang mabakunahan ang mga evacuees sa bayan ng Agoncillo ngayong araw ng Lunes sa pangunguna ni Health Secretary Francisco Duque III.
Ayon kay Dr. Paula Sydiongco, OIC Director ng DOH-Calabarzon, nasa 50 na evacuees sa bawat evacuation center ang kasama sa ceremonial vaccination sa Barangay Pook Elementary School at Plaza Elena.
“Tuloy-tuloy ang pagbabakuna sa lahat ng evacuees sa mga evacuation centers pagkatapos ng ceremonial vaccination,” ayon kay Sydiongco.
Ayon sa opisyal, nasa 5,000 na Sinovac vaccines ang nakalaan para sa mga lumikas sa pagputok ng Taal Volcano noong July 1.
Ang pagbabakuna sa mga evacuees ay napagkasunduan upang masigurong walang magkakasakit ng COVID-19 habang sila ay nasa mga evacuation centers.
Umaabot na sa higit P1.5 milyon mula sa DOH4A at higit P1.6 milyon naman mula sa DOH central office na halaga ng gamot, PPE, hygiene kits at iba pang medical supplies ang naihatid na sa Batangas, ayon pa kay Sydiongco.