BULAKAN, Bulacan (PIA) -- Sentro sa payak na pag-alaala sa Ika-125 Taong Anibersaryo ng Pagkamatay ni Marcelo H. Del Pilar, na kilala sa panulat na “Plaridel”, ang paglalahad ng kanyang pananatili sa Kamalayang Bayan bago pa man sumiklab ang rebolusyon hanggang sa kamatayan.
Sa ginanap na paglalahat ni Propesor Crisanto Cortez, isang guro sa kasaysayan at historyador, sa harapan ng puntod ni Plaridel sa kanyang pambansang dambana sa bayan ng Bulakan, ipinaliwanag niyang hindi naging hadlang ang pagpunta ni Plaridel sa ibayong dagat para mawala sa Kamalayang Bayan.
Tinatawag na isang ‘Kamalayang Bayan’ ang taglay ng isang tao kung hindi nawawala sa kanya ang diwa ng pagiging isang mamamayan. Kabilang dito ang hindi pagkalimot sa mga obligasyon at hangarin para sa sariling bayan.
Ipinaliwanag pa ni Cortez na bagama’t nilisan ni Plaridel ang Pilipinas, ito’y hindi para mag-aral kundi upang doon tuwirang paigtingin ang pakikipaglaban sa Kaharian ng Espanya at sa pamahalaang kolonyal nito.
Patunay aniya rito na kahit nasa ibayong dagat, nagkaroon ng malaking papel si Plaridel sa pag-apruba ng Kartilya ng Katipunan. Ang kartilya o code ay naglalaman ng mga patakaran na ipaiiral sa noo’y itatatag pa lamang na Katipunan.
Base sa mga naprisintang mga batayang pangkasaysayan, ipinasulat ni Andres Bonifacio kay Teodoro Plara sa tulong nina Ladislao Diwa at Valentin Diaz ang Kartilya.
Matapos nito ay ipinadala ni Bonifacio, sa kabatiran ng Deodato Arellano na siyang unang pangulo ng Katipunan, ang balangkas ng Kartilya kay Plaridel sa Espanya.
Kaya nga’t mauugat ang konsepto ng Katipunan kay Plaridel na siyang itinaguyod nina Arellano at Bonifacio. Kasabay ng pagbubuo sa Katipunan habang nasa ibayong dagat si Plaridel, patuloy ang pagpapakilala niya ng mga naisin para sa bayan sa pamamagitan ng pagpapakilala ng pagsasabansa o nationhood.
Para kay Plaridel, kung magtatagumpay ang rebolusyon na itataguyod ng Katipunan upang matamo ang Kalayaan, kasunod naman nito ang pagsasabansa.
Ayon kay Cortez, kabilang sa sangkap ng planong pagsasabansa ang pagkakaroon ng pagkakataong makatamo ng edukasyon ang bawat Pilipino na ipinagkait ng Espanya. Kaya’t noong Enero 21, 1888, pinangunahan ni Plaridel ang pagpepetisyon sa alcalde mayor ng Bulacan, na katumbas ng posisyong gobernador sa kasalukuyang panahon.
Inaprubahan ng Pamahalaang Kolonyal ng Espanya sa Pilipinas ang nasabing petisyon sa kabila ng pagtutol ng mga prayle.
Ito ang nagbunsod upang maitatag ang School of Agriculture noong 1889 at sinundan ng pagkakaroon ng State of Arts and Trades noong 1890 na katumbas ng higher education institutions sa panahon ngayon.
Sa larangan naman ng pagkakaroon ng sariling sandatahang lakas, napagtanto ni Plaridel ang kahalagahang magkaroon ng sariling Hukbong Dagat ang Pilipinas dahil nasubaybayan nito ang naganap na Chinese-Japanese War noong 1894 hanggang 1895.
Ilan lamang ito sa mga patunay na kahit napalayo si Plaridel sa sariling pamilya, hindi kailanman nahiwalay ang kanyang diwa at kamalayan sa bayan ani Cortez.
Samantala, pinangunahan ni Gobernador Daniel Fernando ang tahimik na pag-aalay ng bulaklak sa Pambansang Dambana ni Plaridel sa San Nicolas, Bulakan, Bulacan kung saan nakalibing.
Aniya, nagpapahanap na siya ng lupa sa nasabing bayan upang doon maitayo naman ang isang museo na tampok ang mga bayaning hindi kilala at matipon din dito ang lahat ng mga kilalang bayaning Bulakenyo.
Layunin aniya nito na matupad ang minsang nabanggit ng kaibigang bayani ni Plaridel na si Jose Rizal, na kailangang magkaroon ng “100 Plaridel”. Nangangahulugan ito na matularan ang mga hindi matatawarang ambag ni Plaridel sa kamalayan at pagbubuo ng bayan.
Taong 1984 nang ilipat sa lupain kung saan siya ipinanganak ang kanyang mga labi sa tulong ng mga kapwa Mason.
Sa kasalukuyan, isa na itong pambansang dambana at pambansang monumento na pinamamahalaan ng National Historical Commission of the Philippines. (CLJD/SFV-PIA 3)