No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: DOST: Magkaroon ng pag-aaral hinggil sa kalusugan ng mga katutubo

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Hinihikayat ng Department of Science and Technology o DOST na magkaroon ng sapat na pag-aaral hinggil sa estado ng kalusugan ng mga katutubo.

Sa kanyang mensahe sa isinagawang kick-off ng pagdiriwang ng Nutrition Month sa Gitnang Luzon, sinabi ni DOST  Regional Director Julius Caesar Sicat na kabilang sa mga hinihikayat na magkaroon ng pag-aaral ay ang mga state universities and colleges upang direktang malaman ang kasalukuyang estadong pangkalusugan ng mga kababayang katutubo.

Aniya, kung mayroong sapat na pag-aaral ay madali nang matutukoy at maihahatid ang mga programa at serbisyong pangkalusugang kailangang ng mga katutubo galing sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan.

Ang DOST aniya ay may Community Empowerment thru Science and Technology Programs na maaaring makapagbigay ng mga itatanim na gulay o halaman sa mga tribal community na mapakikinabangan at makatutulong sa pagpapaunlad ng nutrisyon at kalusugan ng mga katutubo.

Paglilinaw ni Sicat, kailangang magkaroon ng tiyak na pagtugon o intervention upang makapagbigay ng tamang solusyon sa kasalukuyang estado ng pamumuhay ng mga katutubo partikular para sa kanilang kalusugan at nutrisyon.

Pinipilit aniya kanilang ahensya na makatulong sa pangangailangan ng mga katutubo na nasa malalayong lugar na kinakapos sa mga pangangailangan gaya sa pagkain at gamot. 

Ipinagkaloob ng DOST sa mga katutubong Aeta sa Floridablanca, Pampanga ang pagkakaroon ng Hydraulic Ram Pump upang masiguro ang suplay ng tubig na kailangan sa pagtatanim ng mga gulay. 

Paliwanag ni Sicat, sa pamamagitan ng binigay na aparato ay naipadadaloy ang tubig mula sa ilog paakyat ng bundok na hindi na nangangailangan ng kuryente o anumang gastusin.

Mayroon din aniyang inilagay na filtration system para sa pagkakaroon ng malinis na tubig na ligtas inumin ng mga katutubo.

Kabilang din sa mga ipinamamahagi ng ahensya ay ang mga gulay at halamang gamot na maaaring itanim sa mga bakuran upang kanila mismong maitanim at maani sa oras ng pangangailangan. (CLJD/CCN-PIA 3)

Si Department of Science and Technology Regional Director Julius Caesar Sicat. (Gabriela Liana Barela/PIA 3)

About the Author

Camille Nagaño

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch