LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga (PIA) -- Hinihikayat ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps na magpabakuna laban sa COVID-19.
Ito ay sa pamamagitan ng Family Development Session o FDS na pinamagatang “MAGPA BAKUNA o Mahalagang Alamin, Gampanan, at Pahalagahan ang Bakuna Laban sa Covid-19”.
Ayon kay DSWD 4Ps FDS Regional Focal Person Ronsan Pelariza, ito ay bilang suporta sa programa ng pamahalaan para sa malawakang pagbabakuna.
Ito rin aniya ay bilang paghahanda sa nalalapit na pagbabakuna sa mga miyembro ng 4Ps na kabilang sa A5 priority group o Indigent Population.
Dagdag niya, makatutulong ang programa upang mabawasan ang vaccine hesitancy ng publiko lalo na at marami pa rin ang takot na magpakuna sa kabila ng mga kampanyang ginagawa ng pamahalaan upang maprotektahan sila sa COVID-19.
Ang unang parte ng programa ay tumukoy sa mga benepisyo ng mga bakuna; papaano gumagana ang mga bakuna sa katawan; at papaano tutulungan ng mga bakuna ang katawan ng tao upang makaiwas sa malalang epekto ng sakit.
Ang ikalawang yugto naman ay patungkol sa tamang impormasyon tungkol sa iba’t-ibang uri ng bakuna na mayroon sa bansa na libreng itinuturok.
Samantala, ang ikatlong yugto ng programa ay sasagot kung sinu-sino ang mga dapat at hindi dapat magpabakuna; at kung kailan maaaring magpabakuna batay sa itinalagang priority list.
Bilang panghuling yugto, gagabayan naman ng FDS ang mga benepisyaryo ng 4Ps upang mapaghandaan ang responsableng pagpapasiya ukol sa pagbabakuna; mga balita tungkol sa malawakang pagbabakuna sa bansa; at iba pang impormasyon tungkol sa karapatan ng bawat mamamayan pagdating sa pagbabakuna.
Dagdag ni Pelariza, ang mga FDS episodes ay maaring masubaybayan sa Facebook Live streaming sa FDS Gitnang Luzon group, o sa chat o messaging group, wall posts, at text blasts.
Nagbabahagi rin ang DSWD ng mga nakalimbag na module sa tulong ng mga parent-leaders na kanila namang inihahatid sa mga benepisyaryo.
Maaari rin itong mapakinggan sa radyo sa pamamagitang ng FDS-On-Air.
Ang mga pamilyang miyembro ng 4Ps sa rehiyon ay nasa 294,678. Kabilang dito ang 8,348 sa lalawigan ng Aurora; 17,744 sa Bataan; 72,266 sa Bulacan; 84,872 sa Nueva Ecija; 52,292 sa Pampanga; 39,989 sa Tarlac; at 19,167 sa Zambales. (MJSC/Jag Lyra D. Costamero-PIA 3)