LUNGSOD NG LUCENA, Quezon (PIA) --Nagsagawa ng road clearing operation sa kahabaan ng diversion road, Barangay Domoit ang mga tauhan ng Traffic Management and Enforcement Division (TMED) ng pamahalaang lungsod kamakailan.
Pinangunahan ni TMED chief Jaime de Mesa katuwang ang Lucena PNP at Sangguniang Barangay ng Domoit ang road clearing operation.
Layunin ng aktibidad na magkaroon ng malawak na espasyo ang magkabilang bahagi ng diversion road upang maging maluwag at hindi magdulot ng pagbagal ng daloy ng mga sasakayang dumaraan dito.
Bahagi ng operasyon ang paglalagay ng tire lock clamp sa mga sasakyang nakaharang sa daan at pag-isyu ng citation ticket sa mga may-ari ng sasakyan na ilegal na nakaparke sa mga gilid ng kalsada.
Pinaalalahanan din ng TMED ang mga may ari ng casa at talyer na huwag sakupin ang sidewalk gayundin ang mga nagtitinda sa tabi ng kalsada.
Sinabi ni Kapitan Ruel Trinidad ng Barangay Domoit na patuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa tanggapan ng TMED para sa mga ipinapatupad na mga patakaran sa trapiko at mga hakbangin upang maging ligtas ang publiko.
Ayon sa Lucena City PIO, ang clearing operation ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 2020-145 na inilabas ng Department of the Interior and Local Government na layong alisin at linisin ang mga sagabal at obstraksyon sa mga pambulikong kalsada.