No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: P500K tulong pinansiyal, ipinamahagi sa mga benepisaryo ng AICS sa Lalawigan ng Quezon

LUNGSOD NG LUCENA, Quezon PIA) --Umabot sa halagang P500,000 ang pondong naipamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare Development (PSWD) sa mga benepisyaryo ng programang “Assistance to Individual in Crisis Situation” (AICS). 

Ayon sa Quezon Public Information Office, may 98 residente ng lungsod ang nabiyayaan ng programa na karamihan ay nangailangan ng medical, burial at tulong pinansiyal sa gitna ng nararanasang pandemya.

Pinangunahan ni KALIPI Quezon President Atty. Joanna Suarez na kumatawan kay Governor Danilo E. Suarez ang pamamahagi ng tulong pinansiyal na ginagap sa Quezon Convention Center kamakailan.

Sa mensahe ni  Atty. Suarez, pinaalalahanan niya ang mga benepisyaryo ng programa na patuloy na mag-ingat upang huwag mahawa sa COVID-19 gayundin ang pagsunod sa minimum health protocols.

Kasabay nito, ipinamahagi din ang tulong pinansiyal na halagang P5,000 bawat isa sa may 540 benepisaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) na inisyatibo ng tanggapan ni Quezon 2nd District Rep. David Suarez at ng DSWD CALABARZON.

Kabilang sa mga tumanggap ng tulong pinansiyal na naapektuhan ang kanilang kabuhayan o maliit na negosyo dahil sa pandemya ang may 340 residente ng Lucena habang may 200 residente naman ng Sariaya ang nabiyayaan ng tulong.

Tinanggap naman ni Quezon Medical Center Chief of Hospital Dr. Rolando Padre ang mga donasyong Personal Protective Equipment (PPEs) at mga medical supplies mula sa mga department heads ng pamahalaang panlalawigan para sa mga healthcare at medical workers na siyang frontliners ng ospital.

Ayon pa rin sa Quezon PIO, sa ngayon, patuloy ang mga programa, serbisyo at proyektong ipinagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan sa mga iba’t-ibang sektor sa kabila ng patuloy na paglaban sa banta ng COVID-19.

Samantala, maliban kay Atty. Joanna Suarez, kasama rin sa pamamagi ng tulong sina Vice Governor Sam Nantes, BM Yna Liwanag, dating Bokal Atty. Bong Talabong, Lucena City Administrator Anacleto Alcala, Rep. Jayjay Suarez at Chief of Staff Diony Rodolfa.

About the Author

Ruel Orinday

Writer

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch