BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA) - - Mas lalakas ang kampanya ng pamahalaan laban sa illegal drugs kung maipapatupad ang Drug Abuse Resistance Education Program or DAREP sa mga paaralan, ayon kay Senate President Vicente Sotto III.
Ayon kay Sotto , ang DAREP ay makakatulong sa demand at supply reduction ng illegal drugs sa bansa dahil maituturo ang masamang dulot nito sa kalusugan at kabuhayan sa mga mag-aaral ng grades 5 hanggang 7 sa mga paaralan.
Ayon pa sa senador, kailangang maipalaganap ang DAREP upang paigtingin pa ang prevention aspect sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng paghubog sa tamang kaalaman at pag-iisip ng mga kabataan.
Dagdag ni Sotto, na kailangan ding isagawa ang wholistic approach para sa rehabilitasyon ng mga drug dependents base sa kanilang personalidad at profile gaya ng therapeutic, faith-based, eclectic, multi-disciplinary at 13 steps minnesota programs upang lubos ang pagbabago ng mga drug dependents.
Ayon kay Sotto, dapat ding ipatupad ang mga probisyon ng Dangerous Drugs Act of 2002 na siyang naging principal author upang lubos at balanse ang kampanya ng pamahalaan laban sa illegal drugs. (MDCT/BME/PIA Nueva Vizcaya)