LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) --Hindi bababa sa 2,000 first responder, evacuee at mga residente sa mga bayan na nakapalibot sa bulkang Taal ang binakunahan kontra COVID-19 sa DREAM Zone Vaccination Hub ng Provincial Capitol Compound noong Biyernes, Hulyo 16.
Kabilang sa mga binakunahan ang mga kawani ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection - Batangas Province, at iba pang first responder sa mga evacuation site sa buong lalawigan.
Dumaan sa mausing proseso ng registration, screening at evaluation upang masigurong ligtas ang pagbabakuna sa mga evacuee at first responder na tumulong sa relief operation sa mga lugar na naapektuhan ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.
Naging mahigpit rin ang pagpapatupad ng mga standard public health protocol tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, at pagpapanatili ng physical distancing habang isinasagawa ang pagbabakuna.
Naglaan ang Department of Health Center for Health and Development Region IV-A (DOH IV-A) ng tinatayang 10,000 bakuna kontra COVID-19 para sa isinagawang pagbabakuna.
Bukod dito, nagpadala rin ang pamahalaan ng karagdagang healthcare worker (HCW) sa mga evacuation site para sa mga pangangailangang medikal ng mga evacuee.
“Malaking oportunidad ang malawakang vaccination program hindi lamang sa mga priority group, kundi para na rin sa ating mga evacuee,” ani DOH IV-A OIC Regional Director, Paula Paz Sydiongco kasabay ng kanyang pasasalamat sa mga miyembro ng National Task Force at pamahalaang panlalawigan para sa matagumpay na pagbabakuna sa mga naapektuhan ng pag-aalburoto ng bulkan.
Samantala, binigyang diin ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon na mahalagang mabakunahan ang mga first responder bilang mga pangunahing rumisiponde sa oras ng sakuna at emerhensiya.