No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Talavera, hangad na marami pa ang mahikayat sa pagtatanim ng gulay

TALAVERA, Nueva Ecija (PIA) -- Hangad ng pamahalaang bayan ng Talavera sa Nueva Ecija na marami pa ang mahikayat sa pagtatanim ng gulay.

Ayon kay Mayor Nerivi Santos-Martinez, lubos na mahalaga lalo sa panahon ngayon ang pagtatanim ng mga gulay at fruit bearing trees upang matiyak ang kasapatan sa pagkain, nutrisyon at maiwasan ang kagutuman.

Walong taon simula nang manungkulan bilang tagapamuno ng pamahalaang bayan ay pangunahing adbokasiya ni Martinez ang pagtatanim ng mga gulay sa mga bakuran, paaralan, barangay upang mapakinabangan ang mga lupang hindi ginagamit.

Pahayag ni Martinez, bukod sa pagkakaroon ng mga masusustansiyang gulay na maaaring kainin ay nakapagdudulot din ng kasiyahan ang pagtatanim. 

Hindi din aniya kailangang malawak ang lupain o bakuran dahil maaari pa ding magtanim kahit sa mga paso o sako na may lamang lupa. 

Sa “Gulayan ni Nerivi” ay mayroong apat na greenhouse na kung saan nakatanim ang samu’t saring gulay gaya ng kalabasa, kamatis, pipino, ampalaya, sitaw, bell pepper, lettuce at marami pang iba.

Kamakailan lang ay namahagi muli ng mga buto o binhi ng gulay ang pamahalaang bayan sa mga sakop na barangay upang maipamigay sa mga interesadong mamamayan na nais makapagtanim sa tahanan o mga bakuran.

Ayon pa kay Martinez, dahil sa suporta at tulong ng mga nasasakupang mamamayan sa kampanya na pagtatanim ng mga gulay ay kinikilala bilang Nutrition Champion ang Talavera sa buong bansa.

Kanyang ipinaabot ang pasasalamat sa lahat ng mga kapitan, guro, lahat ng mga asosasyon sa munisipyo na patuloy ang suporta sa mga adhikain ng pamahalaang bayan.

Ipinanawagan din ni Martinez na ipagmalaki at patuloy na ipakilala ang Talavera bilang “Vegetable Basket Capital ng Nueva Ecija”. (CLJD/CCN-PIA 3)

Si Talavera Mayor Nerivi Santos–Martinez. (Talavera LGU)

About the Author

Camille Nagaño

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch