LUNGSOD NG CALAMBA (PIA) --Agarang contact tracing at istriktong pagpapatupad ng mga lockdown ang nakikitang solusyon ng Department of Interior and Local Government Region IV-A (DILG IV-A) upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 Delta variant sa rehiyon.
Nitong Hulyo 25, inatasan ni DILG IV-A Director Ariel Iglesia ang mga lokal na pamahalaan na palawigin ang kanilang contact tracing, isolation at monitoring sa mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 upang hindi na kumalat ang virus, lalo na sa mga high risk area sa rehiyon.
Ayon kay Iglesia, mahalagang makapagsagawa ang pamahalaan ng back tracing hanggang sa ‘third generation close contact’ ng nagpositibong pasyente, kung saan bibigyang prayoridad ang mga nakatira malapit dito.
Bukod dito, kailangang magtalaga ng mg otoridad ng mga COVID-19 hotline sa kani-kanilang hurisdiksyon upang masiguro ang patuloy na operasyon ng mga quarantine facility sa bawat bayan at lungsod at maiwasan ang hawahan ng virus sa mga pasyente.
Mahalagang magpatuloy ang mga serbisyo at iba pang industriya kaya naman inirekomenda ng DILG na isalilalim sa localized o granular lockdown ang mga lugar na mayroong naitalang kaso ng COVID-19.
Sa pamamagitan nito, naniniwala ang pamahalaan na agarang maisasailalim sa quarantine ang mga aktibong kaso ng naturang sakit at kanilang mga nakasalamuha o close contact.
Inirekomdena rin ng DILG ang pagkakaroon ng hiwalay na pasilidad para sa nagpositibo sa Delta variant at kanilang mga close contact.
Ayon sa Department of Health, lubhang mapanganib ang Delta variant dahil mas mabilis itong kumalat.
Nananatiling nasa General Community Quarantine (GCQ) ang NCR Plus Area na kinabibilangan ng mga lalawigan ng Cavite at Rizal.