No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Sustainable Agriculture, isinusulong para sa mga katutubo sa Nueva Ecija

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Hangad ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP na magkaroon ng tuluy-tuloy na hanapbuhay at mapagkukuhanan ng pagkain ang mga katutubo sa Nueva Ecija.

Sinabi ni Donato Bumacas, hepe ng NCIP sa Nueva Ecija, na isa sa mga flagship program ng ahensya ang Sustainable Agriculture through Family Empowerment o SAFE na inilunsad para makatulong sa pamumuhay ng mga katutubong Dumagat Kabuluwen at Aeta sa lalawigan.

Aniya, patuloy na naghahanap ng pamamaraan ang tanggapan katuwang ang iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan upang makabuo at makapaglunsad ng mga programang higit na mapakikinabangan ng mga katutubo sa Nueva Ecija.

Pahayag ni Bumacas, isa ang SAFE Program sa mga tanging proyekto na inilulunsad sa Nueva Ecija na mayroong tatlong bahagi tulad ang Social Preparation and Capacity Building na mahalagang maigayak ang mga katutubo upang maturuan, mabigyang kasanayan nang tuloy-tuloy na maisakatuparan ang mga proyekto. 

Kung sila aniya ay nakahanda na ay susunod na ang mismong pagtatanim ng mga gulay, palay, puno at ang pangangalaga ng mga hayop. 

Pangatlo at ang huling bahagi ay ang marketing o pagtuturo sa mga katutubo na mailako ang sobra sa mga aning produkto mula sa gulayan at pangangalaga ng hayop na ang kikitain ay maipangtutustos sa pag-aaral ng mga anak o iba pa nilang pangangailangan. 

Katuwang ng NCIP sa programang SAFE ang Department of Agriculture, Central Luzon State University, Nueva Ecija University of Science and Technology at ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.

Ayon pa kay Bumacas, sa darating na Agosto ay inaasahang magsisimula na ang pagbibigay kasanayan sa mga napiling benepisyaryo na kinabibilangan ng 68 pamilyang Dumagat at 90 pamilyang Aeta na mula sa General Tinio, Laur at lungsod ng Palayan.

Sila aniya ang unang napiling maging benepisyaryo ng proyekto, na maituturing na higit na nangangailangan o kabilang sa pinakamahirap ang estado ng pamumuhay na mga katutubo sa Nueva Ecija. 

Hangad ng NCIP para sa mga katutubo na mapalawak ang benepisyong matatanggap, mapaunlad ang mga taniman at bilang ng mga alagang hayop tungo sa pagtaas ng antas ng pamumuhay. (CLJD/CCN-PIA 3)



Nakahanda na ang mga binhi at buto ng gulay na itatanim ng mga katutubong Dumagat at Aeta sa lalawigan na bahagi sa isinusulong na Sustainable Agriculture through Family Empowerment o SAFE Program ng National Commission on Indigenous Peoples katuwang ang Department of Agriculture, Central Luzon State University, Nueva Ecija University of Science and Technology at pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija. (NCIP Nueva Ecija Provincial Office)

About the Author

Camille Nagaño

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch