LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna (PIA) - Umabot sa 27 ang kumpirmadong kaso ng mas nahahawang COVID-19 Delta variant ang naitala ng Department of Health Center for Health Development Region IV-A.
Ayon kay OIC Regional Director, Dr. Paula Paz Sydiongco, nasa maayos na lagay ang tatlong kumpirmadong kaso kung saan isa sa mga ito ay gumaling na, habang ang dalawa (2) naman ay kasalukuyang kinukumpleto ang kanilang isolation.
Sa naturang bilang, tatlong (3) kaso ang naitala sa lalawigan ng Batangas, partikular na sa mga baran ng Bauan, Lemery at San Juan (tig-isang kaso bawat bayan); anim (6) sa Cavite kabilang na ang Bacoor City - 2, General Trias City-1, Carmona-1, Silang-1 at Tanza-1); 17 sa Laguna (San Pablo City - 6, Calamba City -3, San Pedro City -3, Bay -2, Lumban -2, at Los Baños - 1). Nakapagtala naman ang Rizal ng isang kaso ng Delta variant sa bayan ng Rodriguez.
Nilinaw rin ni Dr. Sydiongco na ang isang kaso sa lungsod ng Biñan ay permanenteng nakatira sa National Capital Region (NCR)
Upang matulungan ang mga pamayanan na maiwasan ang pagkalat ng Delta variant sa kani-kanilang hurisdiksyon, agad na nakikipag-ugnayan ang DOH IV-A sa mga lokal na pamahalaan.
Matapos isalialim ng University of the Philippine Genome Center sa genome sequencing ang mga sample, agad ibinibigay ang resulta sa DOH Central Office sa Quezon City na siyang ibinababa sa mga rehiyon para sa agarang pag responde at pagpapaalam sa mga lokal na pamahalaan.
Siniguro din ni Dr. Sydiongco na patuloy ang mga lokal na pamahalaan sa pagsasagawa ng contact tracing sa lahat ng kumpirmadong kaso ng COVID-19, maging delta variant man ito o hindi. Agad rin dinadala sa mga Temporary Treatment and Monitoring Facility (TTMF) ang mga close contact ng mga nagpositibo sa virus para sa kanilang quarantine.
Sa kasalukuyan, patuloy na binabantayan ng DOH IV-A ang kaso ng Delta variant sa rehiyon.
“Dahil ‘di pa natin masasabi ang extent ng delta infection sa ating lugar, patuloy po ang ating pagiging vigilant sa pagmonitor ng mga lugar sa ating rehiyon na may pagtaas ng kaso ng Covid-19,” ani Dr. Sydiongco.
Bukod sa masusing pagsunod sa mga public health protocol, hinikayat rin ni Sydiongco ang mga lokal na pamahalaan na pag ibayuhin ang kanilang contact tracing efforts upang makamit ang target na 1:15 case to close contact ratio.