No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Aplikasyon sa 2022 NCCA Competitive Grants bukas na

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Pormal nang binuksan ng National Commission for Culture and the Arts o NCCA ang Competitive Grants Program para sa taong 2022 na nagkakahalaga ng 108 milyong piso.
 
Tatanggap ang NCCA ng mga aplikasyon para pondohan ang iba’t ibang proyekto at programa na nagtataguyod ng kasaysayan, kultura at kalinangan hanggang Agosto 31, 2021.
 
Ayon kay NCCA Cultural Heritage Section Head Lawrence Charles Salazar, prayoridad ang mga proyektong may kinalaman sa capacity building ng mga nagtataguyod sa sining at kultura; produksyon ng mga likhang sining; pagtatatag o pagpapabuti ng mga institusyon pangkultura at maging mga community gardens; dokumentasyon at pagsasaliksik; mga festival at kompetisyon; at ang iba’t ibang conservation projects.
 
Dalawang proyektong gaya nito ang napondohan ng NCCA sa Bulacan. May halagang 200 libong piso ang ipinagkaloob ng komisyon para sa proyektong “Marlboro Country at iba pang tungkol sa San Ildefonso” na pinangunahan ng historyador na si Propesor Jaime Veneracion noong 2019.
 
Nakatutok ito sa pagtataguyod ng lokal na kasaysayan ng San Ildefonso sa pamamagitan ng promosyon sa mga katutubong pagsasaka at natatagong ganda ng mga bukirin at kweba nitong bayan.
 
Taong 2020 naman nang mapondohan ng NCCA ang Obrero Festival sa barangay Muzon sa lungsod ng San Jose Del Monte sa halagang 100 libong piso.
 
Inorganisa ito ng pamahalaang barangay ng Muzon. Anim na taon nang idinadaos ang naturang festival bilang pagpupugay sa mga manggagawa tuwing Pebrero.
 
Para sa mga taga barangay Muzon, pagpupugay ito sa kanilang tatlong mga patron na sina San Jose na isang karpintero, San Isidro na isang magsasaka at si San Pedro na isang mangingisda.
 
Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Salazar ang mga may panukalang proyekto na huwag kalimutang tukuyin kung ano o saang kategorya kabilang ang panukala.
 
Inaasahang maipapadala ang mga aplikasyon ng mga may panukalang proyekto sa pamamagitan ng email address na ppfpd@ncca.gov.ph.
 
Dapat itong nakatukoy kay Ferdinand P. Isleta, Officer-in-Charge ng Policy/Plan Formulation and Programming Division, Room 5B, 5th Floor, NCCA Building, 633 General Luna St., Intramuros, Manila 1002. Makukuha ang mga forms sa www.ncca.gov.ph/about-ncca-3/grants-program/. (CLJD/SFV-PIA 3)

Inilahad ni Lawrence Charles Salazar, head ng Cultural Heritage section ng National Commission on Culture and the Arts, ang pagbubukas ng aplikasyon para sa mga panukalang proyektong pangkasaysayan, kultura at kalinangan na maaring mapondohan sa 2022 Competitive Grants Program. (Shane F. Velasco/PIA 3)

About the Author

Shane Velasco

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch