OBANDO, Bulacan (PIA) -- Magkatabi na ang kuhanan ng business permit at business name ngayong bukas na ang Negosyo Center na inilagak sa bagong tayong munisipyo ng Obando.
Partikular na matatagpuan ito sa tabi ng Business One Stop Shop o BOSS na nasa unang palapag ng munisipyo.
Sinabi ni Department of Trade and Industry Provincial Director Edna Dizon na sa pagbubukas ng Negosyo Center sa Obando, hindi na kailangan pang sumadya sa kalapit na bayan ng Bulakan o sa Malolos para makakuha ng business name.
Dito na mismo lahat maipoproseso ang mga pangangailangan para makapagtatag at makapagbukas ng negosyo.
Para kay Municipal Administrator Bernard Villasor, napapanahon ang pagkakaroon ng Negosyo Center sa Obando para sa nalalapit na pagbubukas ng bagong palengke.
Aniya, itinatayo ito sa tabi ng bagong munisipyo sa pamamagitan ng Built-Operate-Transfer na isang mekanismo ng Public-Private Partnership.
Tinatayang nasa mahigit 200 pwesto ang mabubuksan na inaasahang kukuha ng business names at mga business permits.
Sa kasalukuyan, nakukuha ang business permits sa BOSS ng Obando sa loob ng isang oras. Ngayong katabi na ang Negosyo Center, posibleng maisabay na rin ang business names.
Kaugnay nito, target ng DTI Bulacan na maimbentaryo ang tunay na halaga ng industriya ng pangingisdaan sa Obando at kung sinu-sino mismo ang mga mangingisdang nabubuhay dito.
Layunin nito na matukoy kung anu-anong programa ang uubrang maibaba at maitulong sa matagal nang ikinabubuhay ng karamihan sa mga taga-Obando.
Samantala, fully operational na ang bagong tayong apat na palapag na munisipyo ng Obando na itinabi sa magiging bagong pamilihang bayan.
May halagang 30 milyong piso ang nagugol dito mula nang simulang itayo noong 2014. Sa loob ng halagang ito, 19 milyong piso ang mula sa Department of Budget and Management habang 11 milyong piso ang inilaan ng pamahalaang bayan. (CLJD/SFV-PIA 3)
Pinasinayaan na ang Negosyo Center sa bagong munisipyo ng Obando na tutulong mas maparami ang mga magbubukas ng negosyo sa nasabing bayan. Napapanahon ang pagbubukas nito sa nalalapit na pagbubukas ng bagong palengke ng bayan. (Rodel Zuniga/PIA 3)