LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna (PIA) --May 20 persons with disabilities (PWDS) sa bayan ng Amadeo, Cavite ang sumailalim sa pagsasanay patungkol sa organic vegetable production at container gardening.
Ang dalawang araw na pagsasanay, Hulyo 29-30, ay isinagawa sa pangunguna ng Agrictultural Training Institute (ATI)-CALABARZON at pakikipagtulungan sa tanggapan ng Pambayang Agrikultor ng Amadeo.
Ayon sa ATI-CALABARZON, ang pagsasanay ay isinagawa hango sa konsepto ng farm-to-table upang matutunan ng may kapansanan ang paggamit ng maliliit na espasyo upang taniman ng mga masustansya, ligtas at abot-kayang gulay para sa kanilang pamilya.
Itinuro sa mga kalahok ang iba’t-ibang prinsipyo at gawi sa likod ng organikong pagsasaka, kasama ang mga organikong pestisidyo at pataba, at ang iba’t-ibang pamamaraan sa pagtaguyod ng hardin gamit ang mga niresiklong konteyner at iba pang mga kagamitan sa sariling bakuran.
Naipamulat din sa kanilang kaisipan na hindi hadlang ang kapansanan upang mapangalagaan at mapabuti ang kanilang buhay.
Ang ATI-CALABARZON ay patuloy sa pagbibigay ng mga kaalaman sa pagtatanim upang ang bawat pamilyang Pilipino ay magkaroon ng sapat at masustansyang pagkain. (AHH, ATI-CALABARZON/CPG, PIA-4A)