QUEZON, Nueva Vizcaya (PIA) - - Nagsagawa ng pagbabaklas sa mga kagamitan ng illegal small scale miners sa barangay Runruno sa bayang ito ang pinagsanib na pwersa ng Department of Environment and Natural Resources-Mines and GeoSciences Bureau(DENR-MGB), National Bureau of Investigation(NBI), Philippine National Police(PNP) at Philippine Army(PA) upang matigil na ang mapanganib at ilegal na paraan ng pagmimina sa mga geo-hazard zones.
Ayon kay Cagayan Valley MGB Regional Director Mario Ancheta, matagal na panahon na ang naibigay ng pamahalaan sa mga illegal small scale miners at settlers upang lisanin na ang mga mapanganib na lugar.
Ang dismantling at confiscation ay isinagawa ayon sa cease and desist order laban sa mga illegal small scale miners at settlers sa sitio Bit-ang, Balcony at Compound sa barangay Runruno.
Sinabi ni DENR Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan na ang isinagawang hakbang ay bahagi ng kampanya ng pamahalaan na hikayatin ang mga illegal small scale miners na umalis na sa mga mapanganib na lugar sa Runruno.
Ayon sa kanya, ang mga sitios na nabanggit ay highly susceptible landslide-prone lsa kanilang geo-hazard list lalo na sa mga panahon ng tag-ulan.
Dagdag pa nito na ayaw na nilang maulit ang trahedyang nangyari noong November 2020 kung saan sampung katao ang namatay sa nangyaring landslide dulot ng bagyong 'Ulyssses'.
Nanawagan din si Bambalan sa mga illegal small scale miners at settlers na sumunod sa kampanya ng pamahalaan upang hindi sila malagay sa panganib.
Ayon naman kay Josie Guillao, isang small scale miner sa sitio Balcony, handa nilang lisanin ang kanilang mga bahay at sumunod sa panawagan ng pamahalaan ngunit humiling sila ng maayos na pakikipag-usap upang mabayaran ang kanilang mga masisira at maiiwang ari-arian sa mga geo-hazard zones. (BME/PIA 2/NVizcaya)