No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Land Bank, tutulong makumpleto ang bagong Meycauayan City Hall

LUNGSOD NG MEYCAUAYAN (PIA) -- Aprubado na ng Land Bank of the Philippines ang pahiram na pondong 500 milyong piso para sa pagkukumpleto ng konstruksyon ng nasa anim na palapag na bagong city hall ng Meycauayan.
 
Ayon kay Land Bank-Bulacan Lending Center Assistant Vice President Ranilo Jimenez, bahagi ito ng patuloy na pag-agapay sa mga pamahalaang lokal upang lalo pang mapataas ang antas ng mga serbisyo.
 
Gagamitin ang nasabing halaga para sa kabuuang furnishing ng loob ng gusali na ngayo’y naitayo na.
 
Taong 2018 nang pasimulang ipatayo ng pamahalaang lungsod ng Meycauayan ang naturang anim na palapag na magiging bagong city hall.
 
Itinayo ito sa 7,000 square meters na lupang nasa gilid ng southbound lane ng Manila North Road o direksiyon na patungong Valenzuela.
 
Katapat din ito ng itinatayong Meycauayan station ng tren ng North-South Commuter Railway o NSCR Project sa barangay Saluysoy.
 
Ipinaliwanag ni City Engineer Gil Maglaqui na ito na ang magiging pangatlong lokasyon ng city hall. Sa kabayanan matatagpuan ang noo’y munisipyo ng bayan pa ng Meycauayan na 1958 pa naitayo. Inilipat ang munisipyo na kalaunan ay naging city hall sa kabukiran ng barangay Camalig noong mga taong 2000s. Higit na malayo ito sa kabayanan na sentro ng kalakalan at komersiyo ng lungsod.
 
Kaya’t pagpasok ng taong 2016, kasabay ng paglulunsad ng pagbuhay sa proyektong NSCR, nagdesisyon ang Pamahalaang Lungsod ng Meycauayan na ilipat na ang city hall malapit sa national road at sa istasyon ng tren.
 
Sa kasalukuyan, tapos nang maitayo ang pangunahing istraktura ng magiging city hall kung saan nasa P449.8 milyon ang nauna nang nagugol ng pamahalaang lokal.
 
Matatagpuan sa unang palapag ang bubuksang Pasalubong Center na magtatampok sa mga ipinagmamalaking lokal na produkto ng Meycauayan. Makakatabi nito ang Business One Stop Shop (BOSS), mga tanggapan sa accounting, budget, assessor at treasurer.
 
Planong ilagay sa ikalawang palapag ang session hall ng Sangguniang Panglungsod ng Meycauayan, tanggapan ng kalihim ng sanggunian, mga tanggapan ng mga konsehal, general services at city engineering.
 
Nasa ikaapat na palapag naman ilalagay ang mayor’s office. Habang iaabang ang ikatlo at ikalimang palapag kung may mga tanggapan mula sa pamahalaang nasyonal na dapat mailagak sa city hall. Magsisilbi namang open rooftop ang ikaanim na palapag.
 
Target ni Mayor Linabelle Ruth Villarica na mapatapos ang kabuuan ng konstruksyon sa Disyembre 2021 upang makalipat na ang pamahalaang lungsod at pormal nang magamit ang bagong city hall sa 2022. (CLJD/SFV-PIA 3)
 

Matikas nang nakatayo ang magiging bagong city hall ng Meycauayan. Itinayo ito sa gilid ng Manila North Road na matatawid lang mula sa itinatayong istasyon ng tren ng North-South Commuter Railways Project. Tutulong ang Land Bank of the Philippines sa pagkukumpleto ng kabuuan ng konstruksyon partikular ang finishing ng loob o interior nito. (Shane F. Velasco/PIA 3)

About the Author

Shane Velasco

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch